Provincial News

PNP Maritime Group at Royal Malaysian Police, nagpulong sa Puerto Princesa

By Alexa Amparo

July 04, 2018

PUERTO PRINCESA CITY – Isinagawa sa Puerto Princesa City ang apat na araw na 2nd Bilateral meeting sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group at Royal Malaysian Police kasama ang Marine Police Force nito.

Ilan sa mga layunin ng pagpupulong ang pagpapalitan ng istratehiya sa pagpapatupad ng kanilang mandato na protektahan ang marine resources sa kanilang mga nasasakupan.

Nakapaloob din sa kanilang nilagdaang memorandum of understanding ang pagtutulungan pagdating sa intelligence.

Ayon kay Police Chief Superintendent Rodelio Jocson, direktor ng PNP Maritime Group, ang gawain ay bahagi ng pakikipagtulungan sa kanilang counterpart sa kalapit na bansa pagdating sa transnational crime.

Aniya nagbubunga din ito ng maayos na unawaan at ugnayan sa pagitan ng kanilang mga kapwa awtoridad na nagbabantay sa kani-kanilang teritoryong pandagat.

Nilinaw naman ni Dato’ Sri Zulkifli Bin Abdullah, pinuno ng mga delegado at direktor ng Internal Security of Public Order Department na walang ano mang banta sa seguridad o krimen na maaring may kinalaman sa terorismo sa kasalukuyan na maaring maging dahilan ng kanilang pagpupulong.

Samantala, bilang bahagi ng mga aktibidad, isinagawa rin ang bilateral exercise sa pagitan ng mga kinatawan ng dalawang grupo ng mga awtoridad sa magkalapit na bansa. (AJA/PDN)