Tiniyak ng Provincial Health Office (PHO) na sa ngayon ay wala pang nakakapasok na kaso ng Indian variant ng COVID-19 sa lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Acting Provincial Health Officer Dra. Faye Erika Labrador, mayroon silang proper protocols para sa pagsasagawa ng genome sequencing upang matukoy kung may variant virus ang mga pasyente.
“Mayroong provisions sa mga patients na dapat naga-undergo ng genome sequencing katulad ng mga severe cases po.” – ayon kay Labrador.
Awtomatiko umano itong ginagawa sa mga severe cases ng COVID-19 upang ma-identify kung ang mga variant tulad ng Indian variant ay nakapasok na sa lalawigan.
Samantala, tiniyak din nito na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga concerned agencies sa mga borders at backdoors sa Palawan.
“With the efforts of IATF,ang mga border control po ay talagang pinag-iibahuyan ang pagbabantay kaya po ang mga kasama natin sa PDRRMO headed by Mr. Jerry Alili, sila po talaga ay continuous ang pagbabantay sa sa border at backdoors.” – dagdag pa nito.
Matatandaang kamakailan ay inaprubahan sa Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyong naglalayon na paigtingin ang ginagawang pagbabantay sa mga borders at backdoors partikular sa bayan ng Balabac at Bataraza upang maiwasang makapasok ang nasabing variant ng COVID-19 sa lalawigan.
Maaalala rin na kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapasok na sa Pilipinas ang B1617 o Indian variant kung saan naitalang mahigit na sa 10 pasyente ang may taglay nito.