Dead on arrival ang isang pulis matapos aksidenteng bumangga sa kasalubong na trak sa bayan ng Roxas pasado alas sais ng gabi nitong Mayo 19.
Kinilala ang biktima na si Patrolman Roy Evio Lagan, 24 taong gulang, naka-assign sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng PNP at residente ng Brgy. Minara, Roxas habang kinilala naman ang driver ng nakabanggaan nitong trak na si Calem Cayao Bacquiao, 40 taong gulang, walang asawa, empleyado ng Newington Builders, Inc. at residente ng Barangay Rizal sa nabanggit ding munisipyo.
Sa ulat ng pulisya, tinatahak ng biktima ang National Highway sa Brgy. Tinitian lulan ng kanyang motorsiklo mula sa Munisipyo ng El Nido at patungo sana sa lungsod ng Puerto Princesa, nang aksidente siyang mag-slide at bumangga sa paparating na boom truck na nasa kaliwang direksyon.
Tumama sa kaliwang bahagi ng trak ang sinasakyang motorsiklo ni Patrolman Lagan at nakaladkad ng halos 80 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente.
Nawalan ng ulirat ang biktima at nagtamo ng pinsala sa ulo na namang dinala ng mga kawani ng MDRRMO-Roxas sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Samantala, patuloy parin ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na aksidente sa kalsada.