Provincial News

Sumukong NPA, iprinisenta sa publiko ng MTF-ELCAC-Roxas

By Diana Ross Medrina Cetenta

October 02, 2020

Iprinisenta kahapon ng Roxas Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF-ELCAC) sa publiko ang kamakailan lang sumukong miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sa impormasyong ibinahagi ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3), isa sa mga miyembro ng MTF-ELCAC, ang nasabing sumukong dating NPA member ay si Roy “Ka Elmer” Relia Rebillo, 29 taong gulang, tubong Brgy. Saraza, Brooke’s Point, Palawan, at dating mandirigma ng Iskwad KATAWAN at Supply Officer/P4 din ng dating Kilusang Larangang Gerilya (KLG)-North. Nahimok umanong umanib sa kilusan ng mga makakaliwang-grupo si Rebillo noong 2017 at naging aktibong miyembro na kumikilos sa hilagang bahagi ng Lalawigan ng Palawan.

Matatandaang boluntaryong sumuko sa MTF-ELCAC si Ka Elmer noong ika-16 ng Setyembre, 2020 sa Sitio Candelaria, Brgy. Tagumpay, Roxas, Palawan.

Para sa mga kinauukulan, ang ginawang pagbabalik-loob ni Rebillo ay ang magandang bunga ng isinasagawang seryeng Ugnayan sa Barangay na bahagi ng pagpapatupad ng Re-tooled Community Support Program (RCSP) sa ilang barangay sa nasabing munisipyo.

Pagsisiwalat naman ni Ka Elmer, noong lumala ang malubha niyang sakit noong buwan ng Marso, habang nasa bulubunduking lugar ay iniwan siya ng kanyang mga kasamahan ng walang anumang suportang pinansiyal, pagkain o gamot.

Pagapang umanong naglakbay sa kabundukan si Rebillo upang makahingi ng tulong na sa kabutihang-palad, nang mapadpad siya sa Sitio Candelaria ay bukas-palad siyang kinupkop at tinulungan ng mga mamamayan doon. Sila na rin umano ang nagsilbing tulay sa Community Support Program (CSP) Team ng JTG-North/MBLT-3/PLEDS Cluster North upang siya ay boluntaryong makasuko.

“Magaling manloko ang komunistang NPA, hindi man napapansin ng masa pero lagi namin silang inaabala at inuobliga ng tulong. Sa mga lakaran, gabing-gabi na ay hindi pa kami kumakain, nagtitiyaga sa ubod, at minsan hindi makaluto sa takot na makita kami ng mga nagpapatrolyang marines. Naglalakad kami ng walang ilaw. Hirap, gutom, pagod, puyat, tapos magkasakit ka, pabayaan ka lang, hindi ka rin bigyan ng gamot. Sabihin pa nagdadahilan lang at sagabal lang ‘yan,” tahasang pahayag ni Rebillo.

Maliban dito ay binanggit din ng nagbalik-loob na miyembro ng NPA na mali ang dating pagpapakilala sa kanila kung paano makitungo ang mga militar.

“Sabi n’yo dati ang mga sundalo, mga suwail. Nagkakamali po tayo ng paniniwala. Hindi naman pala. Kung tutuusin ang pakikisama nila, maski kurot, hindi kami nakatikim. Suportado kami ng pagkain, husto sa oras ang kain. Ang masasabi ko lang sa mga kasamahan kong naging NPA, sumuko na sila, bumaba na nga dapat sana, magkaisa na lahat sa gobyerno, magbalik-loob na kasi wala naman silang mabuting mapapala d’yan,” dagdag pa ni Rebillo.

Patuloy namang nananawagan ang pamunuan ng 3rd Marine Brigade sa pangunguna ni BGen. Nestor C. Herico sa mga natitirang NPA na sumuko na rin sa pamahalaan upang makapagbagong-buhay.