Provincial News

Total lockdown, ipinag-utos ng pamunuan ng Barangay Berong, Quezon

By Chris Barrientos

March 22, 2020

Ipinag-utos na ng pamunuan ng Barangay Berong sa bayan ng Quezon ang total lockdown sa buong barangay kasunod ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Sa abisong ipinalabas ng barangay, ipinapaalam nito sa lahat ng mga nagta-trabaho sa barangay at mga residente ng Berong na mula ala sais ngayong gabi, March 21, ay totally lockdown na ang buong barangay.

Sa panayam ng Palawan Daily News kay Punong Barangay Recedillo Indap Jr. ng Berong, sinabi nitong kailangang sumunod ang lahat sa kautusan dahil ito ay para din naman sa kapakanan ng lahat.

“Lahat ng mga nagta-trabaho dito kahit sa Berong Nickel Corporation, manpower services at mga residente ay dapat sumunod dahil lahat ay nasa house quarantine na,” pahayag ni PB Indap sa panayam ng PDN.

Suportado naman anya ng kompanya ng minahan ang kanilang kautusan at naglabas narin ito ng order sa natitira pa nilang manggagawa na hanggang ngayon araw nalang muna ang kanilang pasok.

“Positive naman ang response nila at naglabas din sila ng order sa mga manggagawa na wala na muna silang pasok mula bukas dahil ang order natin 6:00 p.m. para makauwi muna ‘yung mga manggagawa dahil kawawa naman at nasa trabaho pa pero bukas sarado na talaga,” pagtatapos ni Indap.