Ang isa sa tatlong Wind Turbine ng Romblon Electric Cooperative, Inc. na nakatayo sa bulubunduking lugar ng Bgy. Agnay, Romblon.(Larawan ni Alma Regala/IO-Romelco)

Regional News

Tatlong Wind Turbine sa Romblon, naitayo na

By Dinnes Manzo

December 27, 2018

Naitayo na sa bayan ng Romblon ang tatlong Wind Turbine ng Romblon Electric Cooperative, Inc. (Romelco) sa tulong ng kumpanyang Komaihaltec Inc. na contractor ng nasabing proyekto.

Ang wind turbine power plant na itinayo sa bulubunduking lugar ng Brgy. Bagacay, Brgy. Lonos at Brgy. Agnay, Romblon ay nagkakahalaga ng P242 milyon.

Ang proyektong ito ng Romelco sa isla ng Romblon ay bahagi pa ring ng pagtalima ng kooperatiba sa isinusulong ng pamahalaan na paggamit ng renewable energy.

Ang isa sa tatlong Wind Turbine ng Romblon Electric Cooperative, Inc. na nakatayo sa bulubunduking lugar ng Bgy. Agnay, Romblon.(Larawan ni Alma Regala/IO-Romelco)

Ang bawat isang turbinang itinayo ay may 300 kilowatt na kapasidad kung kaya’t ang tatlong turbina ay may kabuuang 900 kilowatt na kapasidad at inaasahang makakatulong ng malaki sa mga residenteng naninirahan sa kabisera ng probinsya.

Ayon kay Engr. Rene M. Fajilagutan, general manager ng Romelco, ang 50 porsiyento ng kabuoang halaga ng proyekto ay grant mula sa Ministry of the Environment of Japan at sa Komaihaltec Inc. naman galing ang kalahati ng pondong ginamit dito.

“Ang kumpanyang Komaihaltec Inc. ang magpapatakbo nito sa loob ng apat na taon kung saan uupahan ito ng Romelco sa halagang P6.19 per kilowatt hour (kwh) na walang value added taxes,” paliwanag ni Fajigutan.

Pagkatapos aniya ng apat na taon, ito ay ituturn-over ng nasabing kumpanya sa pamunuan ng Romelco.

Ang wind turbine project ay isa lamang sa mga inisyatibo ng Romelco na naglalayong mapaunlad ang ekonomiya ng lalawigan at makatulong sa lumalalang epekto ng climate change sa buong mundo.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)