Sa mensahe ni Tubbataha Park Area Superintendent Angelique M. Songco, sa paglulunsad ng Tubbataha30, pinasalamat nito ang lahat ng mga stakeholder park rangers na tumutulong sa pagprotekta ng Tubbataha. (Orlan C. Jabagat, PIA Palawan)

Environment

Tubbataha ng Palawan, 30 taon na

By Orlan Jabagat

August 16, 2018

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 13 (PIA) — Isang linggong pagdiriwang ang inihanda ng Tubbataha Management Office at ng Tubbataha Protected Area Management Board (TPAMB) para sa pagdiriwang ng ika-30 taong anibrsaryo ng Tubbataha na may temang “Tubbataha 30: Reefs for Keeps”.

Sa pagbubukas nito kamakalawa ay ipinakita sa pamamagitan ng Audio Visual Presentation ang Tubbataha Big Five, mga yamang-dagat na kasama sa pino-proktektahan sa parke upang hindi maubos.

Ang Tubbataha Big Five ay kinabibilangan ng Tiger Shark, Hawksbill Turtle, Manta Ray, Napoleon Wrasse at Dogtooth Tuna.

Ang mga aktibidad sa isang linggong pagdiriwang ng Tubbataha30 na maaaring maranasan ng mga mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa at Palawan ay ang Photo Exhibit kung saan makikita dito ang mga nagagandahang larawan na kuha ng mga Filipino photographer.

Ang 360 degree virtual reality googles kung saan mapapanood mo ang mga video ng Tubbataha sa 360 degree format. Mayroon ding storytelling sessions, arts and crafts, film showing, trick eye wall at hidden object game.

Sa mensahe ni Tubbataha Park Area Superintendent Angelique M. Songco, sa paglulunsad ng Tubbataha30, pinasalamat nito ang lahat ng mga stakeholder at park rangers na tumutulong sa pagprotekta ng Tubbataha.

Ang Tubbataha Reefs Natural Park (TRNP) ay matatagpuan sa kalagitnaan ng Sulu Sea na may layong 150 kilometro, Timog-Silangan ng Puerto Princesa at 130 kilometro, Timog-Kanluran ng bayan ng Caganyancillo na sumasakop dito.

Ang salitang Tubbataha ay nagmula sa mga Samal, mga mangingisda sa rehiyon ng Sulu na ang ibig sabihin ay mahabang bahurang litaw kapag mababa ang dagat. Ito rin ang nag-iisang gasangan sa Pilipinas na tinatawag na ‘atoll’.

Kinilala ang Tubbataha bilang kauna-unahang National Marine Park o Pambansang Parkeng Karagatan na may lawak na 33,200 ektarya noong Agosto 11, 1988 sa bisa ng Proklamasyon 306.

Naging Unesco World Heritage Site ito noong Disyembre 11, 1993 bilang pagkilala sa namumukod-tanging pandaigdigang kahalagahan nito. Kinilala rin ito sa buong mundo bilang isang mahalagang tahanan ng mga ibong-dagat at naitala sa Ramsar List of Wetlands of International Importance noong Nobyembre 12, 1999.

Binago naman ng Proklamasyon 1126 noong Agosto 23, 2006 ang Proklamasyon 306 na nagpapalawak pa sa parke sa 96,828 na sumakop sa Jessie Beazley Reef. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)