Paghihikayat sa pagbabalik-loob ng mga kabataan ang isa sa mga nais na bigyang-pansin ng bagong naordinahang pari ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay.
Ayon kay Rev. Fr. Albert A. Palay na ganap na naging pari noong Agosto 15 at itatalagang parish priest sa sa San Isidro Labrador Parish sa Port Barton, San Vicente simula Nobyembre 4, marami siyang nais isagawa para sa sambayanan ngunit sa ngayon, natatangi ang mithiin niyang “ilapit pa ‘yong mga kabataan…muli sa simbahan.”
“Ang mga kabataan po ay lumalayo na, gawa nga ng teknolohiya at iba pang makamundong bagay. Hindi na sila naniniwala sa pari, hindi na sila naniniwala sa simbahan at mas naniniwala sila sa sarili nilang naiisip kaya marami na po sa mga kabataan ang hindi na po nagsisimba,” aniya.
Isa sa nakitang solusyon ni Fr. Palay ay ang pagpapasiglang muli sa dati na ring programa ng Simbahang Katolika para sa mga kabataan, ang “Youth Encounter.”
“Marami na nga akong nabuong mga grupo ng mga kabataan na ngayon ay naglilingkod na sa simbahan. Ang sabi ko nga, kapag naordinahan ako, palalawigin ko pa ito— ‘yong programa para sa mga kabataan na tinatawag na Youth Encounter,” aniya.
Dagdag pa niya, aminado silang hindi na ganoon kaepektibo ang youth camp na dati-rati ay ginagawa sa Bikaryato. Sa deliberation at meetings umano nilang ginawa ay nakita nilang hindi na ito healthy at hindi na rin nakatutulong upang mahikayat ang mga kabataan kaya sa ngayon ay isinasagawa na lamang ito sa mga parokya.
“Lalo’t higit, kasi we have different personalities…kaya hindi helpful ito sa mga bata kaya nag-course through kami sa Youth Encounter na medyo mas intense at mas may lalim, mas effective sa kanila,” ani Fr. Palay.
Aniya, dati ay napapansin niyang pagkatapos ng Youth Camp ay hindi na niya nakikita pa ang mga kabataan sa simbahan, hanggang kasiyahan lang sila ngunit sa Youth Encounter ay nakikita niya ang kanilang pananatili.
“Ipinaliliwanag [namin] sa mga bata na kailangang mayroon silang sinasalihang grupo kung saan, sila ay nakakapag-serve sa Diyos…for example [maging] lecturer [o] sacristan [sila]—committed dapat sila sa grupong ‘yon with all their hearts,” ani Fr. Palay.
Sa ngayon, ibinahagi ng bagong pari ang kanyang kasiyahan at punong-puno ng pasasalamat matapos ang ordinasyon noong araw ng Sabado, Agosto 15 na isinagawa sa St. Joseph The Worker Cathedral sa Sitio Monte Vista, Brgy. Poblacion, Taytay, Palawan.
“Punong-puno po ako ng pasasalamat kasi nga po naghintay po ako ng matagal at sa ngayon, ito nga, hawak ko na…. Kinakabahan ako sa kung ano pa ang pwedeng mangyari, pero ang pinanghahawakan ko ngayon, kagaya ng pinanghahawakan ko noong nakaraang mga araw… ang Diyos ang tumawag, Siya ang bahalang gumawa ng paraan,” aniya.
Dahil naman sa kakulangan sa bilang ng kaparian sa buong probinsiya, nananawagan ngayon si Fr. Palay sa mga kabataang nagnanais na maglingkod sa Diyos na tahakin na ang landas ng pagpapari.
“Ang aking hiling sa mga kabataan na nagnanais na magpari ay ipaglaban nila ‘yong calling na iyon,” aniya. “Sana kung may mga calling, tumuloy [kayo] sa seminaryo, maglingkod sa simbahan.”
Ang 32 anyos na pinakabagong pari ng Apostolic Vicariate of Taytay (AVT) ay tubong Cuyo, Palawan.
Matapos ang high school ay tumuloy si Palay sa pagpapari at nag-enroll ng kursong pilosopiya sa Seminario de San Jose sa Lungsod ng Puerto Princesa at nagtapos taong 2005. Nagpatuloy pa siya ng pag-aaral para ng Theology sa San Carlos Seminary sa Guadalupe, Makati at nagtapos noong 2017.
Sumailalim naman siya sa pastoral works at community immersion sa iba’t ibang parokya sa Palawan bago maordinahan sa pagkadiakono noong 2018.
Sa taong ito, ay si Fr. Palay ang pinakaunang naordinahan sa pagkapari sa AVT. Noong nakaraang Marso naman ay may apat na naordinahan sa pagka-deacon na kung saan, tatlo sa kanila ang maoordinahan na sa pagkapari sa susunod na buwan, habang ang isa ay isasabay sa isa sa mga aktibidad ng bikaryato na kasama sa paghahanda sa ika-400 taong pagdiriwang ng pagdating ng kristiyanismo sa Palawan sa 2022.