Nakatakdang bisitahin ng Hollywood Fil-Am actress na si Vanessa Hudgens ang Maynila at Palawan upang gumawa ng isang travel documentary ngayong buwan.
Ito ay kinumpirma ng Hollywood Reporter sa isang ulat na inilabas nila sa kanilang website noong Martes, Marso 21.
Anya, ang travel documentary ay pangungunahan ng direktor na si Paul Soriano.
Ito rin umano ang unang beses na uuwi at bibisita sa Pilipinas ang aktres. Bukod sa travel documentary, nais din ni Hudgens na maranasan ang kulturang Pinoy at makita ng personal ang kinalakihang bansa ng kanyang ina na si Gina Guangco, na lumipat sa America noong ito ay 25-anyos pa lamang.
Makakasama ni Vanessa sa kanyang pag-bisita ang kanyang ina at ang kapatid nitong si Stella Hudgens na lalabas rin sa kanyang gagawing travel documentary.
Matatandaang sumikat sa Hollywood ang nasabing Fil-Am actress matapos nitong gumanap bilang si “Gabriela Montez” kasama si Zac Efron bilang si “Troy Bolton” sa blockbuster na pelikulang High School Musical na ipinalabas noong 2006.