Sinang-ayunan ng mga bago at batikang abugado ng Palawan ang panukala ni Senador Raffy Tulfo na palalakasin ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pamamagitan ng pagdadagdag ng budget at mga abogado na parte ng ahensiya.
Ito ay matapos ang courtesy visit ni PAO Chief Atty Persida Acosta sa opisina ng senador na bilang katugunan ay ipinahayag ni Tulfo na “gagawin natin ang ating makakaya para madagdagan ang budget ng PAO. Kahit ano man ang matutulong ng tanggapan ko, gagawin natin.”
Kapansin-pansin kasi na ang mga mga abogado sa Public Attorney’s Office, saan mang panig ng bansa, ay hindi tumatagal at kumukuha lang ng experience pagkatapos lumilipat na dahil sa sobrang dami ng trabaho.
Sa ngayon, hindi sapat ang kasalukuyang 2,400 na abogado sa buong bansa sa ilalim ng PAO.
Pahayag naman ng Palawan Daily News sa ilang mga abogado sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan, mayorya ang sumasang-ayon na kailangang madagdagan ng budget ang Public Attorney’s Office para madagdagan ang bilang ng abogadong magtatrabaho dito.
Ayon kay Atty. Genald Valones, pumasa ng bar noong 2018, “masyadong overworked ang mga nagtatrabaho sa PAO, kaya nararapat silang icompensate ng maayos nmg gobyerno.”
Sumang-ayon din sa pagdaragdag ng mga abogado at pondo sa PAO si Atty. Ferdinand Bermejo, kasabay ng pagsabing “kailangang bigyan ng pansin, dagdagan ng pondo at taong magtatrabaho, para sila ay ganahan na magserbisyo sa mga nangangailangan.”
Ang isa sa mga batikan ding abugado na si Atty. Noel Aquino ay sumang-ayon sa tinuran ni senador Tulfo, at umaasa na ito ay magiging reyalidad sa lalong madaling panahon.
Bukod dito, sinabi naman ng kilalang tagapagtanggol ng mga IPs at usaping legal na may kinalaman sa kalikasan na si Atty. Bobby Chan ng PNNI, ang nagsabing “Yes. Ang PAO ay isang ahensiya na para sa mahirap na walang abugado kaya dapa6t every year ay linalakihan ang pondo at dinadagdagan ang abugado nito para mas gumanda ang serbisyo at mas maraming mahirap ang maserbisyuhan nito. Ayon na rin ito sa pagkiling naming mga NGO sa pagpapalaganap ng social justice kung saan mas Malaki dapat ang pera ng gobyerno ang ginagastos sa mahirap kaysa sa mayaman.”
Samantala nagpahayag din si Atty. Gerthie Mayo-Anda ng Environmental Legal Assistance Center (ELAC) Palawan, “the current salary of a PAO lawyer is Php118, 000.00 and they have allowances. This is reasonable. However, we need more PAO lawyers in remote areas of the country where poor and marginalized communities have no access to justice.”
Sa kabila nang kalagayang ito ng Public Attorney’s Office sa bansa. inaasahang natatrato ng tama at nabibigyan ng hustisya ang lahat ng nangangailangan ng tulong ng ahensiya.
Gayunpaman, sa kabuuang pagbibigay serbisyo ng PAO, ang malaking kakulangan ng abogado ang unang nakikitang problema sa Palawan, lalo na at 23 mga bayan at isang siyudad ang nangangailangan ng serbisyo nito para sa mga mahihirap na mga indibidwal na walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado sa anumang usaping legal na kanilang kinakaharap.