Social Media

Ginang, dumulog sa mga netizen para sa mga damit ng isisilang niyang sanggol

By Diana Ross Medrina Cetenta

April 16, 2020

Di na nga matatawaran ang impluwensiya ng social media sa ngayon na mas nama-maximize na ng mga mamamayan ang gamit nito, lalo na ngayong panahon ng quarantine.

Isang halimbawa nito ay ang pagdulog ng isang ginang mula sa Puting Bato, Buena Suerte, El Nido, Palawan sa mga netizen upang humingi ng tulong para sa damit ng isisilang niyang sanggol sa buwan ng Mayo.

Sa post ni Gng. Daisy Gudilo-Reyes sa page ng One Palawan Movement noong Abril 14, humihingi siya ng tulong  sa mga kapwa Palawenyo sa pag-asang may mabubuting puso na tutulong sa kanya dahil sa ngayon ay gipit na umano silang mag-asawa kasabay ng pag-iral ng Enhanced Community Quarantine.

“Hello! Po. Sino po [ang] mabait diyan na pwedeng mag-share ng pinaglumaan ng damit ng baby girl? Ako po ay manganganak na sa buwan ng Mayo. Pasensiya na po di ko na po alam kung saan ako lalapit, lalo na taghirap ngayon, lockdown pa. Gipit na….,” ani Reyes na may dagdag pang mga kataga sa dulo ng kanyang post na “Please no to bashing, hashtag depressed at hashtag empty lockdown.” Ibinahagi rin ni Reyes sa kanyang post na isa siyang Person with Disability (PWD).

Wala pang isang araw ay marami na ang nagkomento sa kanyang post na nagsasabing nakahanda silang magbahagi ng pinaglumaang mga damit ng kanilang mga supling habang ang iba naman ay nagrekomenda ng mga kakilalang sa tingin nila ay makapagbibigay din.

Ang iba ay nagbigay pa ng personal nilang numero upang mas maging madali ang kanilang pakikipag-ugnayan sapagkat ang ilan sa mga tumugon ay mula pa sa malalayong bayan ng lalawigan at lungsod ng Puerto Princesa.

Marami naman ang natuwa at pinuri ang mga taong nangakong sisikapin nilang magawan ng paraan na maipadala kay Gng. Reyes, sa lalong madaling panahon, ang mga damit na kanilang kinakailangan para sa darating nilang anghel.