Ipinagbawal ng Philippine Coast Guard District Palawan ang paglalayag ng mga maliliit na sasakyang pandagat ngayong araw sa Lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan.
Ayon sa operation center ng PCG District Palawan, ito ay dahil sa ibinabang “gale warning” ng PAGASA sa buong lalawigan kung saan delikado ang pumalaot sa karagatan.
Kinumpirma rin ng PCG District Palawan na kanselado ang mga tours sa Puerto Princesa Underground River, sa bayan ng El Nido, Coron at iba pang lugar sa lalawigan.
Matatandaang sa Gale Warning # 6 na inisyu kaninang alas-5:00 AM ng Pagasa, magiging maalon hanggang sa napaka-alon ang karagatan sa visayas at sa western seaboard southern luzon kabilang na ang Northern Samar, Eastern Samar, Southern Leyte, Negros Occidental, Guimaras, Iloilo, Aklan, Antique, Southern Coast Of Bohol, Siquijor, Southern Coast Of Negros Oriental, Negros Occidental, At lalawigan ng Palawan dahil sa habagat at Bagyong Marilyn.
Posible umanong umabot sa 2.8 meters hanggang 4.5 meters ang alon kaya ipinagbabawal na lumayag ang mga bangkang pangisda at maliliit na sasakyang pandagat habang pinag iingat naman ang mga malalaking sasakyang pandagat sa mga malalaking alon.