Travel

Byahe palabas ng Cuyo, papayagan depende sa lugar na pupuntahan – Delos Reyes

By Gilbert Basio

October 26, 2020

Pinapayagang lumabas ang mga nasa bayan ng Cuyo, Palawan pero nakadepende sa lugar na pupuntahan kung pahihintulutang pumasok.

Ayon kay Cuyo Mayor Mark L. Delos Reyes, sa ngayon ay hindi pa niya pinapayagan ang lumabas sa Cuyo kung may pumapayag ang lugar ng kanilang pupuntahan gaya na lamang sa Maynila at Iloilo, habang ‘yong papasok sa bayan ng Cuyo ay hindi pa pinapayagan hanggang sa ika-3 ng Nobyembre.

“Kapag tatanggapin po sila ng kanilang pupuntahan, ‘yong inbound po o papasok sa munisipyo wala pa hanggang November 3 pero ‘yong palabas sa munisipyo nakadepende sa pupuntahan nila – [ang] Manila tumatanggap at saka Iloilo,” ani Delos Reyes.

Dagdag pa ng alkalde, wala na silang naitatalang bagong kaso na positibo sa COVID-19 at posibleng bukas ay may maidadagdag na recoveries dahil tapos na ang quarantine period.

“Sa ngayon, medyo nag okay na kasi wala na kami nadadagdag pa sa local case sa Cuyo. Bukas po madami-dami ang lalabas. Bawat 28 days po ang release namin,” pahayag ni Delos Reyes.

Samantala, sa inilabas na COVID update ngayong araw ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO, bayan pa rin ng Cuyo ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 na may 55 active cases, sinundan ng Culion – 2, Bataraza – 1 at bayan ng Roxas – 1.