The Narra Municipal Tourism Office. Photo by Diana Quimpo

Provincial News

Narra, naglalayong magkaroon ng sariling heritage site

By Hanna Camella Talabucon

November 28, 2019

Upang pagyamin ang natural na turismo at kultura ng bayan ng Narra, isinusulong ngayon ng Sangguniang Bayan (SB) ng nasabing lugar na magkaroon nang sariling “Heritage Site” sa lokal na munisipyo.

Kamakailan lamang ay nag-pasa ng isang resolusyon si SB Member Francisco Atchera na humihiling sa alkalde ng bayan na si Mayor Gerandy Danao na mapondohan ng munisipyo ang lokal na Municipal Tourism Office (MTO) upang makapatayo ito ng sariling heritage site sa layon na pagyamanin ang kasaysayan at turismo gayundin ang pagkilala sa mga lokal na tourist spot, tradisyon, makulay na buhay agrikultura at iba pang istorya ng pinagmulan ng munisipyo ng Narra.

Ang resolusyon, ayon kay Atchera, ay hinango mula sa Natural Heritage Act of 2009, na nagsasabing marapat na suportahan ng bawat local government unit (LGU) sa buong bansa ang mga programa ng gobyerno patungkol sa kapaligiran, kultura, tradisyon, sining kalikasan at kasaysayan ng isang bayan.

“To inspire our LGUs to come up of ways on how we can preserve culture and traditions,” ani ni Atchera.

Dagdag pa ni Atchera, ang probinsya ng Palawan ay mayroong mayamang kasaysayan at kultura na marapat lamang ipagpatuloy, pagyamanin at itala para sa mga susunod na henerasyon.

“Enriched na ang probinsiya sa magandang kultura at turismo, all we need to do is pangalagaan at ingatan ito,” ani ni Atchera.

Ang heritage center, ayon din sa konsehal, ay magsisilbing institusyon upang mapangalagaan at maingatan ang iba’t-ibang arkeolohikal, panlipunan, kultura, relihiyon at sining ng mga taga-Narra na kanilang maaring maipapamana sa mga susunod na henerasyon.

“Dito na ilalagay at itatala ‘yung historical events, achievements saka awards ng bayan kaugnay sa sining, turismo, agrikultura at kasaysayan,” aniya Atchera.

Ayon kay Atchera, ang heritage center ay inaasahang mapasisimulan na sa nasabing munisipyo sa susunod na taon.