larawang kuha ni Eugene Murray / Palawan Daily News

Apat na inmates na napalaya sa ilalim ng bagong GCTA, sumuko

By Eugene Murray

September 06, 2019

Sumuko ang apat sa halos 300 inmates na pinalaya mula sa Iwahig Correctional Facility sa ilalim ng bagong Good Conduct Time Allowance o GCTA.

Ito ay dalawang araw matapos ideklara ni Pangulong Duterte na pabalikin muli sa pangangalaga ng Bureau of Corrections ang mga pinalayang inmate habang nirerecompute ang kanilang mga sentensya.

Ayon kay Corrections Senior Supt. Geraldo Aro, ito ang unang batch ng mga preso na sumuko sa Iwahig Correctional Facility. Dagdag pa niya, ang mga sumukong convicts ay hindi ibabalik sa security compound, bagkus ay ilalagay sa itinalagang Temporary Holding Area sa Bldg 4 ng Iwahig Correctional Facility. Maliban pa rito, magkakaroon ng daily provision ang mga sumuko para sa kanilang pagkain at iba pang mga pangangailangan.

Binigyan din ang mga preso ng pagkakataong magpaalam sa kanilang mga mahal sa buhay at kunin ang kanilang mga gamit.

Sa deklarasyon ni Pangulong Duterte, simula ngayong araw ay mayroon pang labintatlong araw na natitira ang mga lumaya upang sumuko.

Ikinatuwa ni Corrections Senior Supt. Aro ang boluntaryong pagsuko ng apat. Panawagan niya na sumuko na ang mga nakalaya, at sa mga presong nakabalik sa mga lugar nila, ay maaari silang sumuko sa pinakamalapit na pasilidad ng PNP o AFP.