Taos-pusong nagpasalamat ang isang residente ng Lungsod ng Puerto Princesa sa drayber ng sinakyan niyang traysikel na nagsauli ng naiwan niyang cellphone.
Ayon sa commuter na si Ilaine Digno, sumakay siya ng tricycle na minamaneho ng nasabing drayber na kinilalang si Richard Arenas mula Brgy. Bancao-bancao hanggang sa sub-office ng Water District-Lacao St. upang magbayad ng bayarin sa tubig. Aniya, pagdating doon ay hindi na niya matandaan kung nahulog ba ang kanyang cellular phone o ibinaba niya sa upuan ng sinakyang traysikel.
“Basta pagbaba ko po ng Water District- Lacao, pagpasok ko po roon ay wala na po akong hawak na phone.Tapos ‘yon po, pinahiram po ako ng phone no’ng isa ring magbabayad [ng kanyang water bill] para matawagan ko ‘yong phone ko. No’ng tinawagan ko po, okey naman, sinagot agad ni kuyang driver tapos sabi niya ibabalik niya rin po. So, naghintay po ako, bumalik naman po siya agad,” ani Digno.
Ayon pa sa kanya, umabot lamang sa 10 hanggang 15 minuto mula nang siya ay tumawag at dumating na ang drayber na si Arenas.
“Hindi naman po high-end ‘yong phone ko pero importante po [‘yon] sa ‘kin,” masaya pang kwento ni Digno.
Una nang nag-post ang ginang sa social media group na “Batang Puerto Princesa” na naglalaman ng pasasalamat kapwa sa matapat na drayber at sa matulunging nagpahiram ng selpon upang kanyang matawagan ang sariling numero.
“Gusto ko lang mag-thank you kay kuyang driver (Richard Arenas) sa pagsauli ng phone ko. Naiwan ko po sa trike niya kanina (kahapon) papuntang Water District. Salamat po ng marami!
Also kay kuya na nakasabay ko sa pagbabayad sa Water District, thank you po sa pagpapahiram ng phone n’yo para matawagan ko ‘yong number ko. Sana marami pa’ng katulad n’yo,” aniya.
Umani naman ng mga positibong komento at pasasalamat ang nabanggit na drayber mula sa mga netizen.