Sugatan ang isang sundalo matapos ang nangyaring engkwentro pasado 1:30 PM kanina, ika-20 ng Hulyo sa Barangay Aribangos, Brooke’s Point, Palawan.
Ayon kay LtCol Prisco Tabo Jr., ang Commanding Officer ng MBLT-4, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga sundalo dahil sa pinapalawig na kampanya laban sa mga makakaliwang grupo ay nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente na may presensya umano ng mga NPA sa nabanggit na lugar.
Agad anya itong pinuntahan ng mga sundalo para kumpirmahin ang ulat.
Pagdating sa lugar ay agad pinaputukan ng mga armadong kalalakihan ang mga sundalo kaya gumanti ang mga ito na tumagal ng sampung minuto kung saan isa nga sa tropa ng militar ang nasugatan.
Base pa sa ulat, tinatakot umano ang mga residente sa lugar at pinapa-anib sa kanilang samahan at kung di naman ay magbayad ng buwis.
Sinabi naman ni BGen Nestor Henrico, ang Commander ng 3rd Marine Brigade, nagpapasalamat sila sa ginawang inisiyatibo ng mga residente at mga namumuno sa lugar na isuplong ang mga makakaliwang grupo.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nagpapagaling ang sugatang sundalo sa nangyaring engkwentro at patuloy ang mga otoridad sakanilang hot pursuit operation laban sa mga NPA.
Samantala, wala pa namang pag-ako o kumpirmasyon mula sa CPP-NPA-NDF sa Palawan kung sila ang nakasagupa ng mga marines sa Brooke’s Point.