Provincial News

Lalaking bumibili ng barbecue, patay sa pamamaril sa Quezon

By Diana Ross Medrina Cetenta

September 21, 2020

Isang tama lamang sa ulo ang sanhi ng agarang kamatayan ng isang lalaki sa Bayan ng Quezon, na ayon sa mga saksi ay bumibili lamang ng barbecue sa isang tindahan.

Kinilala ang biktima na si Rolando Guiñarez, 34, sawmill helper at residente ng Phiad-p, Brgy. Pinaglabanan, Quezon habang ang kriminal ay wala pa ring pagkakakilanlan maliban sa may taas itong 5’4” at nakasuot ng puting t-shirt at short pants. Kinilala ang biktima ng kanyang mga kaanak habang isinasagawa ang imbestigasyon ukol sa krimen.

Sa spot report ng Palawan PPO, nakasaad na bandang 9:00 pm noong Setyembre 19  ay bumibili lamang ng barbecue ang nasabing biktima sa Lagang Store sa Manuel L. Quezon St., corner Abueg St., Brgy. Alfonso XIII nang dumating ang suspek at siya ay barilin.

Tanging isang tama lamang umano ng bala ng baril sa kanyang ulo ang sanhi ng agaran niyang pagkasawi habang ang  pumatay ay agad ding tumakas. Na-recover naman sa pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala ng kalibre 45.

Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga tauhan ng Quezon MPS sa posibleng pagkakaaresto sa nasabing kriminal.