Ipinabatid ni Kgd. Nesario Awat ang kalbaryong kinakaharap ngayon ng mga mag-aaral na indigenous people at kanilang mga magulang sa makabagong istilo ng pag-aaral sa pamamagitan ng Modular Distance Learning na ipinatutupad ngayon dahil sa pandemya.
“Hindi maintindihan ng bata, hindi rin maintindihan ng magulang [ang mga aralin na nakasulat sa self-learning modules]. So, hindi nila alam paano matututo ang bata. Ang rule kasi riyan, ang teacher [ang aalalay sa mga bata kung di kaya ng mga magulang], ang problema, ang teacher hindi rin niya [makaya] dahil na isa lang ang teacher at kung iba-ibang lokasyon [pa kaya mahirap],” ani Kgd. Awat.
Aniya, sa sitwasyon ngayon na nahihirapan ang mga magulang, lalo na sa komunidad ng IPs ay dapat na mayroong gagabay sa kanila na ibang mga indibiwal na gaya ng mga volunteer, mga taong simbahan, mga kapitan, mga purok president at maging ang mga kawani ng PPUR Management Office sa kanilang nasasakupang mga barangay sa westcoast area.
Matatandaang sa pag-avail ni City Councilor Awat ng Privilege Hour sa nakaraang sesyon ng Sangguniang Panlungsod noong Lunes, ipinabatid niya sa kanyang mga kasamahan sa Konseho ang hinaing ng mga katutubo. Ipinaabot umano ito sa kanya ng mga magulang nang dumalo siya sa isang aktibidad may kaugnayan sa IP Month Celebration noong nakaraang Sabado sa Sitio Sabang, Brgy. Cabayugan.
“During the open forum, it appears that our students in the far-flung barangays, like in Cabayugan, Marufinas and probably in other barangays in the City, na talaga pong nahihirapan ‘yong ating mga estudyante dito sa modular type of education,” ani Awat.
Hiling niya sa mga kapwa kagawad na bigyang-pansin ang hinaing ng mga estudyante sa elementarya at ng kanilang mga magulang, lalong-lalo na ng mga katutubo upang hindi maging kabiguan sa kanila ang MDL na ipinatutupad ng Kagawaran ng Edukasyon.
Hiniling naman ni Kgd. Victor Oliveros, chairman ng Education Committee sa City Council, sa pamunuan ng DepEd-Puerto Princesa na magkaroon ng “special treatment” sa mga lugar na mayroong indigenous peoples.
Kaugnay nito, sa araw ng Huwebes ay nakatakdang magpulong ang Komite ng Edukasyon na kung saan, iimbitahan ang City Deped, ang mga kapitan ng barangay o ang presidente ng pederasyon ng Samahan ng mga Kapitan sa lungsod, ang mga magulang na nagpaabot ng problema, ang City IPMR at ibang concerned individual upang matalakay nang maayos ang nasabing usapin.