City News

PPUR, nasa P30-M na ang lugi dahil sa pandemic

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 26, 2020

Sa mga tourism destination na gaya ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa, di maikakatwang lubos na naapektuhan ang sektor ng turismo nang ipatigil muna ang anumang tourism activities kasabay ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ) na may layon namang sugpuin ang pagkalat ng sakit na COVID-19.

Ayon kay PPUR Park Superintendent Elizabeth “Beth” Maclang, sa kanilang hanay ay nasa humigit-kumulang P30 milyon na ang nalugi sa kanilang kita mula noong Marso hanggang ngayong Mayo kasabay nang ipinatupad na ECQ sa kalakhang Luzon simula Marso 17 hanggang April 30 at GCQ simula Mayo 1 hanggang sa kasalukuyan.

Karaniwan umanong nasa peak season ng pagdagsa ng mga turista sa mga buwan ng Marso hanggang Hunyo na hindi na magaganap dahil sa banta ng nakahahawang sakit.

Dagdag pa ni Maclang, bunsod din ng kawalan ng kita ng Parke ay pinangangambahang mabawasan pa ang kasalukuyang rate ng sahod ng mga empleyado ng PPUR Management. Kung siya umano ang tatanungin ay ayaw niya iyong maganap dahil sa laki ng nakaatang na responsibilidad ng kanilang mga empleyado lalo na ng mga park ranger na nagpapatuloy sa pagbabantay sa sakop ng Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) sa apat na barangay sa kabila ng banta ng COVID-19 at kamakailan nga ay may muntik nang magbuwis ng buhay dahil sa pamamaril ng isang iligalista.