Ikinagulat ni Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy Socrates ang biglaang pagpapadala sa kanya ng text message ng sinibak na director ng City Police Office na si P/Col. Marion Balonglong.
Sa panayam ng Palawan Daily News sa bise alkalde, sinabi nitong nakaramdam siya ng takot noong una sa hindi inaasahang mensahe mula kay Balonglong na ang dating anya ay tila pambabastos.
“Ayoko na sanang lumaki ang isyu pero hindi ko alam kung paano mo nalaman… pero oo, tinext nga n’ya ako. Sabi n’ya ay ‘Thank you for declaring me persona non grata’ kaya medyo na-bother din ako ng konti dahil wala naman kaming masamang pinagsamahan na dalawa,” kumpirmasyon ni Vice Mayor Socrates kaugnay sa usapin.
“Kung iniisip n’ya na ako ang may kagagawan nun, hindi dahil ako naman ay presiding officer lang. Actually, I cannot even involved myself in the discussions kaya parang nalungkot din ako kasi hindi ko alam kung bakit parang sa akin s’ya [Balonglong] nagalit,” dagdag ng bise alkalde.
Kinumpirma rin ng opisyal na kay Col. Balonglong mismo ang numero ng telepono dahil naka-save naman anya ito sa kanya dahil minsan narin silang nagkatawagan noong unang magpatupad lockdown sa lungsod.
“Sa kanya talaga ang number at hindi ko alam kung ako lang o pati ang ibang kasamahan ko kung tinext n’ya rin. Doon lang naman ang aming exchange tapos ito nga at bigla akong nakatanggap ng mensahe mula sa kanya. Hindi rin naman kasi pwedeng sabihing “friendly text” dahil kahit sino naman ang magbasa nun ay talagang sarcastic ang dating,” ani Socrates.
Sinabi pa ng bise alkalde ng lungsod na ipinarating n’ya na ang insidente sa bagong upong director ng City Police Office.
“Ibinalita ko rin kay Col. Sergio Vivar para lang aware din s’ya sa ginawa. Hindi narin naman ako gaanong nagwo-worry pa pero parang nag-wonder lang ako at kasi nga, I wasn’t expecting something like that coming from him na disrespectful talaga,” sabi ni Socrates.