Lubos na ikinatuwa ng mga kabataan nang matanggap ang mga bagong laptop na mula sa donasyon ng iba’t ibang indibidwal.
Ang unang batch na mga benepisyaryo ng “Project Abot-kamay” na nakatanggap ng brand new Lenovo i5-1035G1 ay ang mga mag-aaral na na incoming grade 12 na sina Mark at Raymond at Janille na incoming Grade 6. Ang nasabing proyekto ay binuo ng Palawenyo Savers Club (PSC) na layong makatulong na mapunan ang pangangailangan ng mga estudyante para sa kanilang distance learning program na magsisimula sa Oktubre 5.
Pormal na iginawad sa kanila ang nabanggit na gamit ngayong araw, sa isang memorandum of agreement (MOA) na isinagawa sa Viet Ville Village sa Brgy. Sta. Lourdes, Puerto Princesa.
Ayon kay May Alldritt, project coordinator ng “Project Abot-Kamay Share and Care” at miyembro rin ng PSC, ang nasabing mga benepisyaryo ay kabilang sa 389 indibidwal na sumulat sa kanila. Matapos na makapasok sa shortlist base sa kanilang mga inihayag na sitwasyon sa kasalukuyan at ang kagustuhang makapag-aral sa kabila ng kahirapan ay binisita sila ng mga kinatawan ng Project Abot-kamay sa kanilang mga tahanan at kinausap din ang kanilang mga principal, head teacher at guidance counselor para kumpirmahin ang mga impormasyong kanilang binanggit sa kanilang liham.
Sa pagtatanong ng local media sa mga benepisyaryo, binanggit ng ama ni Raymond na pahihintuin na lamang nila sana niya ngayong taon ang kanilang anak dahil sa hirap ng buhay dulot ng pandemya habang ang dalawa naman ay pipiling mag-modular na lamang.
Sa impormasyon pang ipinaabot ng nangangasiwa ng proyekto, 47 percent ng mga aplikante ay mula sa lungsod ng Puerto Princesa habang sa mga munisipyo naman, ang pinakamataas na bahagdan ng sulat ay nagmula sa Bayan ng Narra at sinundan ng Bayan ng Roxas.
Sa distribution naman ng grade level, ang pinakamataas ay Grade 12 na umaabot sa 15 percent at pareho namang ten percent ang Grade 11 at Grade 10.
Sa pinakahuling tala ng PSC noong Setyembre 9, umabot na ang donasyon sa P610,298.66 mula sa halos 400 na mga donor at 50 tablet noong unang linggo ng Setyembre at nadagdagan pa ng 25 na tablet ipinangakong ibibigay sa unang linggo ng Oktubre.
Sa ngayon ay maaari pa ring magbigay ng donasyon, cash man o secondhand tablet o laptop hanggang sa huling araw ng buwang kasalukuyan.
“May panahon pa po para po makatulong tayo sa ating kapwa. Piso lang po—piso mo, pag-asa nila (mga kabataan). Marami po sa mga donasyon natin na nanggagaling sa labas ng Palawan, more than half. I think 70 percent of the amount come from outside Palawan. So, marami pa po tayong dapat katukin ditong puso sa Palawan, sa mga taga-Lungsod ng Puerto Princesa, kahit lang po piso—sa mga organisasyon, sa mga nagnenegosyo na gustong magbigay ay pwede pa po tayong makatulong sa ating kapwa Palawenyo,” muling hiling ng Project Coordinator ng “Project Abot-Kamay.”
Para sa mga karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang kanilang website sa www.projectabotkamay.wordpress.co/donate o sa kanilang Facebook page sa “Sa Piso-piso, Aasenso.”