GIFA, nais ipainspeksyon ang dagat ng Green Island Roxas, Palawan sa BFAR

Nais ng mga residente ng Green Island Roxas, Palawan na mainspeksyon ng Bureau of Fishery and Aquatic Resources (BFAR) ang kanilang dagat dahil ang hektarya na mga pananim na seaweeds ay tila namumuti at natutunaw kahit katatanim pa lamang ng mga ito noong nakaraang linggo, Disyembre 20, ayon kay Hilda Matila Sobreviga na residente ng nasabing lugar at Procurement ng Green Island FisherFolks Association (GIFA).

Napansin nila na ang dagat ng Green Island ay tila nag-iba kaya’t humihiling ito na masuri ang kanilang karagatan.

“Nakaraang araw malinaw [at] malangis-langis [yung dagat]… Concern lang po namin na magpunta po sana dito [ang BFAR at] magcheck lang naman ng dagat kung talagang may mga kemikal po… [kasi] parang nadaanan lang siya [ang mga itinanim na seaweeds] ng agos ng dagat. Para naman kung may mananagot ay managot talaga sa nangyari sa amin,” payahag nito.

Nagpadala na ang GIFFA ng mga litrato sa Department of Agriculture (DA) ngunit sila ay kinakailangang magpadala ng sulat sa BFAR ukol sa nangyari kasama ang pirma ng mga miyembro ng kanilang asosasyon.

“Sa DA ng Roxas, nagsend na rin kami ng pictures [ng mga seaweeds]… may kilala din ako dyan sa BFAR [at] ang sabi kailangan daw po naming magsulat muna [dahil] organisasyon po kami. Kailangan lang naming mapapirmahan sa president namin at members [ng aming asosasyon],” dagdag na pahayag ni Sobreviga.

Ikinababahala ngayon ng mga nagtatanim ng seaweeds na maubusan sila ng semilya lalo na’t ito ang pangunahin nilang pangkabuhayan.

“Ang kinabahala ng mga tao ngayon dito [ay] yung mawalan kami ng similya ng seaweeds. Ito lang ikinabubuhay dito [kasi] sideline lang po yung pangingisda… Halos lahat po [ng residente] sa Green Island [ay] nagtatanim ng seaweeds [at] ngayong ganito po ang nangyari sa amin parang medyo nahirapan kami. Parang walang gana nga ang Christmas namin ngayon dito…,” pahayag nito.

Kinumpara rin ng ginang ang naranasan ng kanilang mga pananim sa kadaraan lamang na bagyo.

“…mas okay pa nga ‘yung nabagyo kasi na-replant siya [ang mga seaweeds] kahit na wash out siya [o] nasira siya pwede siyang talian ulit tapos gumaganda naman siya sa [pero] ngayon hirap talaga… ” pahayag nito.

Exit mobile version