Provincial Vet Office ng Palawan, patuloy ang serbisyo para sa mga alagang hayop ng mga Palaweño

Photo Credits to PIO Palawan

Ang mga hayop ay para ring tao na dapat alagaan, kalingain at pagyamanin.

 

Ito ang nilalayon ng tanggapan ng Provincial Veterinary ng Palawan kung kaya’t patuloy ang kanilang pagpapatupad ng mga serbisyo at programa para sa mga alagang hayop ng mga mamamayang Palawenyo.

 

Matapos na dumatal sa bahaging Sur ng Palawan ang Pag-ulan at pagbaha na kung saan ay labis na naapektuhan ang mga bayan ng Brooke’s Point at Sofronio Española matapos ang clearing operations at pagpapaabot ng ayuda mula sa Pamahalaang Panlalawigan kasunod na nagsagawa ng Veterinary Medical Mission nitong nakalipas na ika-17 hanggang 19 ng Enero, 2023 ang mga kawani ng Provincial Veterinary Office sa pangunguna ni PVO OIC- Dr. Darius P. Mangcucang upang makapagbigay ng serbisyong medikal sa mga kahayupang naapektuhan ng kalamidad.

 

Sa pamamagitan ng Verinary Medical Mission katuwang ang mga kawani ng Brooke’s Point Municipal Agriculture Office (MAO) at mga Barangay Veterinary Aides, nakapagtala ng naserbisyuhang 114 bilang  na mga magsasaka na nagmamay-ari ng 379 na mga alagang baka, kalabaw at kambing kabilang ang pagkakaloob ng bitamina at pagpupurga.

 

Kasunod nito, nagsagawa rin ng kahalintulad na serbisyo ang PVO sa bayan ng Sofronio Española katuwang din ang mga kawani ng MAO at Barangay Veterinary Aides ng naturang bayan kung saan 49 na mga magsasaka na nagmamay-ari ng 133 na mga hayop ang nabigyan ng serbisyo.

 

Ang aktibidad ay bilang karagdagang ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan na ipinagkaloob sa mga naapektuhan ng LPA partikular na sa mga nag-aalaga ng hayop.

 

Sa nabatid na nagging pahayag ni Dr. Mangcucang ng Palawan Daily News, “Alam naman natin na sa mga pagkakataon ng kalamidad, hindi lamang tao ang biktima, maging ang ating mga alagang hayop ay biktima rin. Ang mga hayop ay katulong ng ating magsasaka sa kanilang hanapbuhay, nakakalungkot isipin na kapag namatay ang mga hayop sa mga kahalintulad na kalamidad, nahihirapang bumangon ang ating mga magsasaka. Sa mga panahong kagaya nito, makasisiguro po kayo na ang opisina namin sa ProVet ay handang tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga magsasaka partikular na sa panahon ng sakuna.”

 

Binigyang diin pa ni Mangcucang, bukas ang kanilang tanggapan sa mga Palaweñong may alagang hayop na nangangailangan ng kanilang serbisyo. Sa kasalukyan, nagpapatuloy ang isinasagawang serbisyo ng naturang tanggapan sa bayan ng Bataraza bilang bahagi ng selebrasyon ng pagkakatatag ng naturang bayan.

Exit mobile version