“Wala kaming dinadagdag diyan [sa datos na mga nagpositibo] kasi hindi siya confirmed COVID case as informed sa amin ng regional ng DOH,”
Ito ang naging tugon ni Dr. Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team Commander kaugnay sa kumakalat na impormasyon na may 2 biker na kasali sa isinagawang ‘Bike Hero Balayong Fun Ride’ noong Marso 7, 2021 na napositibo sa COVID-19.
“Unofficial po siya, pero yung contact tracing ay sinimulan na namin yan para makausap yung mga nakasalamuha nila, possible sa mga susunod na araw dire-diretsyo yung gagawin natin diyan,”
Ibinahagi din ni Dr. Palanca na ang 2 indibidwal ay mga Authorized Person Outside Residence (APOR) na dumaan sa saliva test at nagpositibo sa COVID-19. Subalit kailangan pa umano ng mga ito na sumailalim sa RT-PCR/swab test.
“Yung details na puwede naming ilabas diyan ay itong 2 APOR ay dumaan ng saliva test at pagkaraan ng 24 hours lumabas ang kanilang resulta at nagpositibo. At nakalagay din doon na COVID-19 confirmed po yun. Noong tinatanong po namin sa Department of Health sa regional, ang sinabi yesterday ay kailangan na magsangguni sila sa another swab test, using throat at saka yung [sa] ilong. Parang yun ang conditional na swab test na ginagamit talaga at kung sakaling mag-positive pa sila doon yun po ay i-count nila as confirmed COVID case ng Puerto.”
Dagdag pa ng IMT Commander, ang dalawa ay posibleng isailalim sa RT-PCR test sa weekend at kaagad na rin silang nagsasagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha nito kabilang na ang kanilang mga kamag-anak.
“Yan sila ay mga bikers, so yung kung saan man sila nakarating eh ibibigay namin yan usually pagka-confirm na talaga ng DOH. I-schedule namin yan by this weekend [ang pagsasailalim sa RT-PCR test],”
“Inuna muna natin yung immediate family, yung close friends at kung may iba pa silang pinuntahan like yung sinasabi nyo na yun ano (Balayong bike fun ride) ay titingnan po natin kung kasama ba yun, kung sino mga nakasama na yun [at] kung saan man sila nakarating niyan,”