2 suspek dahil sa illegal logging activity sa PPUR protected area, sinampahan na ng kaso

Pormal nang nasampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o ang “Forestry Code of the Philippines” kahapon ng umaga ang mag-amang nahuli dahil sa pag-i-illegal logging sa bahagi ng Brgy. Tagabinet na namaril pa sa isa sa mga park ranger.

Ayon sa Park Superintendent ng Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) na si Beth Maclang, bandang alas otso ng umaga kahapon, Mayo 23, nang ihain ang kaso laban sa mga suspek na sina Fernando Mameng, 58 taong gulang at anak niyang hango sa kanyang pangalan, nasa 30 taong gulang at pawang mga residente ng nasabing  barangay. Sa dalawang suspek, tanging ang ama lamang ang hawak ng mga otoridad dahil tumakas umano ang anak matapos na barilin, gamit ang dala niyang sumpak, ang 48 anyos na Park Ranger na si Guillermo Celino.

Ayon pa kay Maclang, sa inquest proceedings ay pinapili ang suspek kung mag-a-avail ng waiver para sa preliminary investigation o magpipiyansa ng P40,000, ngunit dahil walang pangbayad sa pansamantala niyang kalayaan, kaya sa ngayon ay nasa kustodiya siya ng City PNP.

Kaugnay nito, dalawang hiwalay na kaso rin ang isasampa laban sa nakababatang suspek sa araw ng Lunes, kasabay din ng pag-apply ng warrant of arrest upang siya ay maaresto makaraang tumakas matapos barilin ang biktima gamit ang improvised gun.

Ayon kay PPUR PASu Maclang, maliban sa naunang naisampang paglabag sa PD 705, mga kasong frustrated murder at paglabag sa Comprehensive Firearms Ammunition Regulation Act ang dagdag na kakaharapin ni Mameng Jr.

Una umanong nakatanggap ng tip ang pamunuan ng PPUR Management at nagkaroon ng surveillance hanggang sa nagkaroon ng operasyon ang 10 park ranger sa petsang nabanggit, kung saan naaktuhan sa illegal logging activity ang mag-ama sa lugar na sakop pa ng national park.

“May tumutunog na chainsaw kaya nagkaroon ng ilang araw na surveillance. Noong [May] 21 ng gabi, ‘yun na ‘yung actual operation,” ani Maclang.

Matapos mabaril ang park ranger na si Celino, ibinaba siya ng kanyang mga kasamahan mula sa bundok sa pamamagitan ng duyan. Mabuti na lamang umano na nakayanan niya ang tagal ng paglalakbay ng nasa apat na kilometro bago sila nakarating sa national highway ng Tagabinet kung saan naghihintay ang ambulansiyang nagdala sa kanya sa pinakamalapit na satellite clinic. Doon na umano siya ginawaran ng paunang lunas bago diniretso sa Ospital ng Palawan kung saan siya nagpapagaling sa kasalukuyan.

Naisagawa na rin umano ang dalawang operasyon kay Guillermo noong araw ng Biyernes, Mayo 22, bunsod ng tama ng anim na bala sa kanyang hita at sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Exit mobile version