5 pang COVID-19 patients sa Puerto Princesa, gumaling na

Mula sa sampu ay lima nalang ang aktibong kaso ng COVID-19 ang patuloy na mino-monitor ngayon ng City Incident Management Team matapos gumaling at mapauwi na kahapon, July 15, ang lima ring una nang tinamaan ng virus mula sa Puerto Princesa.

Ayon kay City Incident Commander, Dr. Dean Palanca, ang mga naka-recover at nakauwi na sa kanilang mga bahay at muling nakasama ang kanilang mga pamilya ay ang anim na taong gulang na batang babae, 57 anyos na lalaki, 25 anyos na babae, 28 anyos na lalaki at 26 anyos na lalaki na pawang mga residente ng Barangay Sta. Monica.

Ang lima ay ang close contacts ng isang medical staff ng Ospital ng Palawan na unang naging positibo sa COVID-19 at gumaling na nakauwi narin nitong nakaraang linggo.

“Kahapon namin sila na-release at from Sta. Monica po lahat kasama ‘yong bata po. Actually magaling na sila at na-release sila after matapos ‘yong other requirements,” ani Palanca.

Samantala, bukas o sa susunod na araw ay isa pang COVID-19 patient ang inaasahang makakauwi narin matapos ang ilang linggong gamutan at pananatili sa quarantine facility.

“Pito ‘yan sila sa Sta. Monica at may nauna nang isa then kahapon is five at bukas or sa susunod na araw ay isa pa uli. Actually, lahat naman ng naiwan pa na active cases ay wala ng mga sintomas at tinatapos nalang nila ‘yong required quarantine period bago aayusin ‘yong additional requirements before namin ma-release,” dagdag ng health official ng lungsod.

 

Exit mobile version