70 points na nakuha ng Puerto Princesa sa road-clearing operations, tanggap ni Vice Mayor Socrates

Tanggap ng City Government ang 70 puntos na ibinigay ng validation team sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa naganap na Road-Clearing Validation kahapon.

Ayon kay Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy Socrates, kuntento naman siya sa naging resulta subalit mas maganda raw sana kung umabot ito sa 100 puntos.

“Oo. I mean it is satisfactory but syempre we would want to be 100 points di ba?” sabi niya.

Iginiit pa ni Socrates na ibig sabihin lamang nito na may ginawa ang City Government dahil sa nakuhang puntos.

Samantala, ipinaliwanag naman ni DILG Provincial Director Rey Maranan ang naging kabuuang resulta kung saan may anim na indicators ang naging sukatan ng pagbibigay ng puntos.

Kabilang sa mga indicators ang mga naipasang ordinansa ng syudad para para masulusyunan ang problema sa mga kalsada, inventory ng mga kalsadang may problema at kailangan ng paglilinis, mga kalsadang aktuwal na nalinis, displacement plan sa mga naapektuhan, road rehabilitation, at grievance mechanism.

Ayon kay Maranan, dahil marami naming ordinansang naipasa kaya binigyan ng Validation team ng 15 points ang syudad, 5 points sa ikalawang indicator dahil may ginawa naman silang inventory road, 35 points sa pangatlo dahil sa 20 kalsada na naimbentaryo na nangangailangan ng road-clearing operation, 12 lamang ang walang road obstruction o katumbas lang ng 60 percent.

Tig-5 points at 10 points naman sa pang-apat at panglimang indicators ang nakuha ng syudad dahil bago pa lamang bumubuo ang kanilang technical working group ng isang displacement and sustainble action plan para sa mga naapektuhan ng road-clearing operation at sa road rehabilitation.

Zero naman ang binigay ng validation team sa Lungsod sa pang-anim na indicator dahil wala itong hotline o anumang mekanismo para maidulog ng mga naapektuhan ng paglilinis ng kalsada at sidewalk ang kanilang hinaing.

Bagama’t 70 puntos lamang ang nakuha ng City Government, nilinaw naman ni Maranan na sa ngayon ay hindi nila masabi kung pasado ba ito o bagsak, at bahala na raw si DILG Secretry Eduardo Año na magdesisyon ukol dito.

Nanghinayang naman si Maranan dahil kung nagawa sana umano ng syudad ang ibang indicators ay maaring nakakuha ito ng perpektong score.

Kaugnay nito, sinabi naman ni DILG City Director Virgilio Tagle na bago pa man magkaroon ng validation ay inaasahan na niya na makakuha ng 60-70 points ang syudad subalit kung natutukan lamang umano ng husto ng City Government kung ang mga nakasaad sa DILG Memoradum 121 ay maaaring mas mataas pa rito ang kanilang nakuha dahil lahat ng indicators ay naroon.

Matatandaang batay sa DILG Memorandum 121 na pirmado ni Secretary Eduardo Año at inilabas noong July 29,2019 ay inaatasan ang lahat ng Provincial Governors ,City at Municipal Mayors, Punong Barangays, mga pinuno ng local Sanggunian, DILG regional Director, BARMM Regional Governor at iba pa na tanggalin ang mga nakaharang sa mga kalsada at sidewalk batay na rin sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang naging ika-apat na State of the Nation Address o SONA.

Samantala, binigyan naman ang mga local DILG na isumite ang validation report hanggang ngayong araw, October 5,2019.
Exit mobile version