Backrider, pwede na sa Puerto Princesa basta kamag-anak

Kinumpirma ni City Administrator Atty. Arnel Pedrosa na pinapayagan na ang pag angkas sa mga motorsiklo sa lungsod ng Puerto Princesa sa extension ng general community quarantine hanggang May 31.

Pero agad na nilinaw ng opisyal na ito ay hindi para sa lahat bagkus ay doon lamang sa mga magkaka-pamilya o magkakamag-anak na nakatira sa iisang bahay.

“Sa mag-asawa lang ‘yun pinapayagan o mag tatay, mag nanay kasi parang irrelevant naman o hindi logical na babawalan mo sa close distancing ang mag-asawa o mag tatay o mag nanay na sa bahay ay magkakasama naman ‘yan,” ani Atty Pedrosa sa panayam ng Palawan Daily.

“Pero ‘yung angkas na ibang tao o angkas na kaibigan ay hindi pwede ‘yun. Basta anak, asawa, magulang pwede ‘yun, ipakita lang nila ang katibayan tulad ng ID,” dagdag ng opisyal.

Ito ay halos kapareho rin ng nauna nang sinabi ni City Police Director, P/Col. Marion Balonglong sa Palawan Daily na pinahihintulutan nila ang backride sa motorsiklo kung ito ay frontliners partikular na kung gabi o alanganing oras ang pasok at uwi na kailangang masundo o mahatid ng kanilang kamag-anak.

Samantala, pinapayuhan parin ang publiko na kung maaari ay iwasan parin ang pag-angkas sa mga motorsiklo dahil may mga available narin namang pampublikong sasakyan upang masunod parin ang social distancing.

Exit mobile version