Hindi parin pinapayagan sa ngayon ang pagbisita ng publiko at mga lokal na turista sa Balsahan River na nasa loob ng Iwahig Prisons and Penal Farm o IPPF.
Ito ang inihayag ngayon ni IPPF Superintendent Raul Levita sa kabila ng mga panawagan at hiling sa kanya na kung maaari ay mapagbigyan nang muling makabisita sa Balsahan River.
Ayon sa opisyal, hindi pa nila ito mabubuksan sa publiko lalo pa’t wala pang pinapayagang makapasok sa IPPF maging ang mga dalaw ng Persons Deprived of Liberty o PDLs mula nang ipatupad ang total lockdown dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Gayunpaman, sinasamantala na lamang anya nila ang pagkakataon upang lalong pagandahin at ayusin ang Balsahan River upang kapag dumating ang araw na ayos na ang lahat at muli itong buksan sa publiko ay mas maging kaaya-aya para sa lahat.
“Bawal parin po at pinapaganda pa namin lalo ngayon ang Balsahan River para pag okay na ang lahat, mas mag enjoy ang mga bibisita dito. Lahat kami ng mga officers ay nagtutulung-tulong at nagtanim din kami sa mga tabi ng kalsada papasok dahil long term na itong pagpapaganda natin sa ilog,” ani Supt. Levita sa panayam ng Palawan Daily News.
“Pinapa-repair ko narin ‘yung mga kubo at nagtatanim nga kami para gumanda ang garden na parang tatawing Balsahan Garden at ‘yung mga friendly sa butterfly para dumami sila sa area ng Balsahan at ‘yun ang concept namin ngayon. Pinapa-ayos ko narin ‘yung overlooking area natin sa taas para pwedeng umakyat at makita ang city area natin,” dagdag pa nito.
Samantala, matatandaan na mula Marso ng taong kasalukuyan kung saan isinailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang buong bansa ay ipinatupad din ang total lockdown sa IPPF at kahit pa bumaba na ang quarantine level sa lungsod ay hindi parin pinapayagan.