Ikinagalak ni Punong Barangay Camilo Bebit ng Barangay Langogan at walang napinsala sa kanyang mga kabarangay matapos itong ilikas sa kanilang itinalagang evacuation center dahil na rin sa tuloy tuloy na pag-ulan nitong nakalipas na araw na nagdulot ng pagtaas ng tubig sa ilang mga purok nito.
Matatandaan na naging mabilis ang pagkilos ng pamunuan ni Bebit upang alalayan ang kanyang mga kabarangay at ilipat ito sa evacuation center upang masiguro ang kanilang kaligtasan dahil na rin sa pagbaha sa lugar.
Umaabot sa mahigit sa tinatayang 37 pamilya ang kanilang nailikas mula sa apat na purok na kinabibilangan ng Magkakaisa, Tabing-ilog, Mangingisda at Bukangliwayway.
Bagama’t ligtas ang kanyang mga kabarangay ilang pamilya naman ang naapektuhan ang pangkabuhayan dulot ng pagka-anod ng mga alagang hayop at pagkasira ng ilang pananim.
Ipinagpasalamat naman ni Punong Barangay Bebit ang mabilis na pagtugon ng City Disaster Risk and Reduction and Management Council, gayundin ang pag-ayuda ng mga taga City Social Welfare and Development Office ng Puerto Princesa.
Sinabi ni Bebit sa panayam ng Palawan Daily sa pamamagitan ng telepono, “Nagpapasalamat ako at walang casualty sa aking mga kabarangay, kailangan lamang na maireport ko ang kabuuang pangyayari at nang makapagpasa kami ng resulosyon para sa kinakailangang ayuda para sa mga residenteng naapektuhan.
Bukod dito, kailangan din ang ilang mga hakbang upang huwag nang mangyari pa ang kahalintulad na paglikas dulot ng pagbaha.