Naniniwala ang Konseho ng Lungsod ng Puerto Princesa na makatutulong sa pasugpo sa paglaganap ng ipinagbabawal na gamot ang paghihigpit sa mga ipinapadalang item gamit ang courier services.
Sa pamamagitan ng Resolution No. 678-2020, hiniling kamakailan ng Committee on Legal Matters ng lungsod sa Kongreso na gumawa ng batas na maghihigpit sa gagawing balidasyon ng pagkakakilanlan ng lahat ng mga magpapadala sa mga cargo forwarder para maiwasang magamit ito sa pagpapadala ng illegal na droga gamit ang mga pekeng pangalan, tirahan, telepono at iba pa.
Sa panayam ng local media sa chairman ng Committee on Legal Matters na si Kgd. Nesario Awat, binanggit niyang ang nasabing hakbangin ay nabuo matapos na maipaabot at mapag-usapan ang isyu sa hinahawakan niyang komite na kung saan, lumalabas na kabilang sa mga paraan ng illegal drug trafficking ay ang pagpapadala sa pamamagitan ng courier.
Aniya, napakahalagang makapag-apruba ng kaukulang batas ang Kongreso na papataw ng kaparusahan sa mga gagamit ng mga pekeng pangalan at impormasyon, makapalusot lamang ng droga.
“As chairman of the Committee [on Legal Matters], I have to make a necessary solution to the problem. Ang problem kasi rito, maraming mga cargoes ang nakapapasok sa Puerto [Princesa] at Lalawigan ng Palawan; probably, hindi lang sa Puerto, hindi lang sa lalawigan kundi sa buong bansa na ang mga addressee o consignee o kung saan ipinapadala ‘yong mga package ay hindi totoo ang mga pangalan. Ngayon, nakukuha nila ‘yon ang mga goods na ‘yon sa mga forwarder,” ani Awat.
Positibo si City Councilor Awat na magiging epektibo ang anumang hakbang kung isasabay ang gagawing hakbang sa ipinatutupad na ngayong Philippine Identification System ID (PhilSys ID) na kung saan, ang larawan ng isang Pilipino at mahahalagang impormasyon ay hawak na ng pamahalaan.
“Considering na we are implementing the National ID system, magkakaroon na ng copy siguro ang mga forwarder; ito na ‘yong mga pangalan na masasabi nating sila ‘yong mga totoong tao. Siyempre kapag wala roon, siyempre mayroon din silang mga picture do’n, mati-trace mo kung sino ‘yong mga fictitious na pangalan—doon mahihigpitan kung sino ‘yong magpapadala at sino ‘yong mga tatanggap—mamo-monitor ‘yon doon sa implementation ng ating national ID system,” ayon pa sa kagawad.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang umano ng Konseho ang acknowledgement mula sa Kongreso ng bansa matapos na maisumite nila ang kaukulang resolusyon kay House Speaker Allan Peter Cayetano.
Aniya, wala sa hurisdiksyon ng mga konsehal na gumawa ng ordinansa na sasakop sa labas ng Puerto Princesa o alinmang lugar sa bansa kaya iniakyat nila ang usapin sa mga mambabatas ng Pilipinas.
“Kasi alam naman natin na ang problema natin dito mga cargoes…na talagang rampant….Ito ‘yong ia-address sa Congress. Ang mahalaga rito, mapi-pinpoint sino ‘yong nagpadala at kung sino ‘yong tatanggap at sigurado na siya ‘yon….Kung walang batas [laban dito], papayagan mo na lang ‘yong [mga] nagpanggap…[at] paano mo mahuhuli [ang mga] ‘yon?” tanong pa niya.