BFP, nagpaalala kaugnay ng sunod-sunod na sunog na nangyari sa lungsod

Palawan Daily News file photo. (Photo by Sev Borda III)

Unang buwan pa lamang ng taon ay 12 sunog na ang naitala ng Bureau of Fire Protection sa lungsod ng Puerto Princesa kung kaya’t nagpaalala ito na dapat mag-ingat ang lahat upang maiwasan ito.

“Prevention is better than suppression; fire safety is our main concern. Pero hindi lang ito concern ng Bureau of Fire Protection but it is everybody’s concern. Without the cooperation, without the involvement ng community, hindi magiging successful yung mga fire prevention campaign at mga program ng Bureau of Fire Protection,” Fire Officer 3 Rud Mark Anticano, Chief, Investigation and Intelligence Section, told Palawan Daily News in an exclusive interview.

Ayon kay FO3 Mark Anthony Llacuna, Public Information Officer ng BFP Puerto Princesa, dalawa lang ang posibleng dahilan ng sunog, maaring ito ay sinadya o kaya naman ay aksidente dahil sa electrical at open flame.

“Ang common cause naman po sa ngayon is open flame, nagluluto and then naiwanan medyo konti lang po yung electrical cause dito karamihan galing sa kusina o kitchen fire ayan unattended meron din ditong isang naninigarilyo,” ani Llacuna.

Naitala ang unang sunog ngayong taon noong ika-10 ng Enero, kung saan dalawang residential houses sa Barangay Cabayugan ang natupok at mahigit P60,800 ang halaga ng pinsala.

Sinundan naman ito ng ilan pang sunog na nangyari sa Barangay San Manuel, Barangay Maunlad, Barangay Kamuning, Barangay Irawan at Barangay Concepcion.

Naibalita din ang nangyaring sunog sa Max’s Restaurant sa loob ng Robinsons Place Palawan nito lamang Martes, Enero 22. Ayon sa ulat, tinatayang nasa P50,000 ang halaga ng napinsala sa sunog na nagsimula umano sa kusina ng nasabing restaurant.

May pinakamalaking pinsala naman ang nangyaring sunog sa Campus Ville Subdivision kung saan tatlong residential houses ang nasunog at umabot sa halos isang milyong piso ang halaga ng natupok.

Bukod sa residential o structural fire ay may naitala ding tatlong grass fire na nangyari sa Barangay San Jose, Barangay Sta. Lourdes at Barangay Sta. Monica.

Sinabi din ni Llacuna na hindi totoong dahil sa init ng araw kaya nagkakaroon ng mga grass fire, sinasadya umano ang mga ito.

“Kasi may mga nag-aalaga na mga hayop, mga baka para syempre kapag nasunog bago na naman ang tutubo na damo,” aniya.

Nagpaalala din si Llacuna na delikado ang pagsusunog at ipinagbabawal ang open burning. Kinakailangan muna na kumuha ng permit sa kanilang tanggapan upang mabantayan din nila na hindi lumaki ang apoy at hindi makapinsala ng ibang kabahayan.

“Pwede sila magrequest para makastand-by and mabigyan sila ng advice na maglagay sila ng fire break para walang madamay na bahay kasi isa po yun sa naging cause,” sabi ni Llacuna.

Nagbigay naman si Fire Officer 3 Rud Mark Anticano, Chief, Investigation and Intelligence Section, ng mga tips para maiwasan ang magkaroon ng sunog gayundin ang mga dapat  gawin tuwing may sunog at pagkatapos maapula ang apoy.

Mga dapat gawin upang makaiwas sa sunog:

1. Ilayo sa maaabot ng bata o masasagi ng mga alagang hayop ang mga posporo at lighter,  tiyakin ding malayo sa mga kurtina ang mga ito at patayin ang apoy o ningas bago matulog.

2. Iwasang manigarilyo sa loob ng bahay lalo na sa may sofa o sa kama. Patayin muna ang sindi ng sigarilyo at itapon sa tamang tapunan ang upos nito.

3. Sundin din ang mga nakalagay na “No Smoking” sign.

4. Ugaliing tanggalin ang mga saksakan bago umalis ng tahanan. Regular ding suriin ang mga elektrical na intstilasyon at ipaayos lamang sa lisensyadong electrician ang mga sira at lumang kawad ng kuryente. iwasan ang pagkakaroon ng octopus connection.

5. Maglagay ng telephone number o phone number sa loob ng bahay na palagiang makikita.

6. tanggalin o itapon ang mga bagay na maaaring pagsimulan ng sunog sa loob ng tahanan katulad ng mga basura at iba pang flamable materials.

Sa oras ng sunog

1. Manatiling kalmado at hangga’t maliit pa ang apoy ay huwag lamang itong panooring lumaki sa halip ay kumuha ng balde at buhusan ng tubig ang parte na may apoy.

2. kung lumaki na ang apoy ay kaagad na lumabas sa loob ng bahay o gusali na nasusunog at  maghanap ng ligtas na lugar.

3. Iwasan din ang makalanghap ng usok sa pamamagitan ng pagtatakip ng bibig at ilong ng basang tuwalya o bimpo.

4. Tumawag agad sa tanggapan ng BFP upang kaagad na mapuntahan ng mga bumbero ang lugar kung saan nagaganap ang sunog at mabawasan ang damage na dulot ng nangyayaring sunog.

5. Sa mga nakaattend ng seminar o natrained na Fire Fighter tumulong sa pag apula ng apoy.

Pagkatapos ng sunog

1. Suriin ang sarili kung mayroong injury na natamo dahil sa sunog at kung mayroon ay kaagad na ipatingin at palunasan.

2.  Huwag munang babalik sa lugar na pinangyarihan ng sunog at huwag gagalawin ang fire scene dahil iimbestigahan pa ng mga imbestigador ng BFP ang naging sanhi at kung saan nagsimula ang sunog. Antayin na ang BFP ang magsabi kung kailan pwede nang bumalik sa pinangyarihan ng sunog.

Exit mobile version