Binata, natagpuang patay sa tinutuluyang bahay

Patay na ang isang binata nang matagpuan sa kanyang boarding house sa Purok Trese, Brgy. Tiniguiban, lungsod na ito kagabi, December 28.

Base sa spot report mula sa PNP Station 2, kinilala ang biktima na si Francis Arzaga, 24 anyos, isang call center agent na mula sa bayan ng Taytay.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na binisita ito ng kanyang mga katrabaho upang malaman ang dahilan kung bakit ilang araw na itong hindi nakakapasok.

Maka-ilang beses umanong kinatok ang pintuan ng tinutuluyan ng biktima kasabay ang pagtawag dito subalit walang sumasagot at sa tulong ng iba pang nakatira sa nasabing boarding house ay pwersahan nang sinira ang pintuan nito kung saan tumambad ang bangkay ng biktima na nasa stage of decomposition na.

Sinabi naman ni PNP Station 2 Commander P/Capt. Alevic Rentino na hinihintay pa nila ang autopsy result mula sa SOCO habang nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Exit mobile version