Iminungkahi ni 2nd district Board Member Eduardo Modesto Rodriguez na paigtingin ng mga awtoridad ang mga checkpoint sa iba’t ibang panig ng lalawigan ng Palawan upang masuri ng husto ang mga dumadaan, lalo na ang mga naka motorsiklo.
“Iminumungkahi nga natin na sana mapaigting hindi lang ‘yung about the [COVID-19 pandemic] kundi ‘yung checkpoints ay ma-inspection din ‘yung lahat ng mga tao. Syempre ‘yung mga dumadaan na hindi lang basta chini-check yung mga temperature… mas lalo pang mahigpitan ‘yung pagsisiyasat lalo na ‘yung mga naka-motorsiklo. Malay natin baka mamaya ay riding-in-tandem na ‘yun at may dala pang mga armas,” ani Rodriguez.
Hiniling din ni BM Rodriguez sa PNP na suriin ang lisensya ng lahat ng mga may hawak na baril, at kung may pinaghihinalaan sa isang krimen gamit ang kanilang baril ay dapat magkaroon ng paraffin test.
“Sana ‘yung mga kapulisan din natin na mai-review at mai-report lahat ng mga license ng mga may hawak ng baril. Kaya nga sabi ko, kung sinong mga suspect dyan ay magkaron ng paraffin test kung sinong nagpaputok ng baril,” pahayag ni Rodriguez.
Samantala, hiniling ng opisyal sa publiko na mag-ingat, kabilang na ang paglalagay ng CCTV sa kanilang bahay at dash cam sa mga sasakyan sapagkat malaki tulong ng mga ito sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa panahon na may hindi inaasahang pangyayari.
“Kasi parang lumalabas dito na no one is safe kahit nasa kanilang sariling pamamahay. Ang iba nga, nagtatanong kung magkano daw magpainstall ng CCTV-talagang nakakatulong ‘yan-at gayundin ‘yung pag-iinstall ng mga dashcam sa kanilang mga sasakyan kasi nakakatulong din na kung sakaling may mga ganyang insidente,” karagdagang pahayag ni Rodriguez.