Nagsisimula na muli ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) sa paglilibot sa iba’t ibang lugar sa lungsod na may mga nakatayong talipapa. Ito ang kinumpirma kanina ni Thess Rodriguez, chief ng BPLO-REMU, sa programang News Room ng Palawan Daily.
Aniya, 77 na pwesto ng talipapa sa lungsod ang ipapasara kabilang na sa Barangay Tagburos, Sicsican, at San Manuel.
“‘Yan yung [mga] particular area kasi masyadong madami [ang mga] talipapa [sa mga baranggay na iyon],” ani Rodriguez.
Hindi umano sila titigil sa pag-monitor sa mga lumalabag sa Market Code of the Philippines lalo na’t muling nagbaba ng kautusan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa road clearing kasama na ang pag-alis sa mga talipapa sa lungsod.
“Nagbaba na ng kautusan ang ating DILG mula sa Kamaynilaan na ituloy na ang road clearing operation including mga talipapa. Hindi tayo nagsasawa na magmonitor dito at i-report ito sa taas para nang sa ganoon ay magawan ng paraan. Ano ba ang alternative natin? Kasi ayaw naman natin na magkalat lang sila kung saan-saan. Obligasyon din ng gobyerno na bigyan sila ng magandang paglalagyan para kumita sila nang maganda at hindi maka-perwisyo sa daloy ng trapiko [at] perwisyo sa health lalo na’t mahigpit tayo sa health protocol ngayon,” pahayag ni Rodriguez.
Paliwanag pa ng opisyal, sinusunod dito sa lungsod ng Puerto Princesa ang nilalaman ng Market Code of the Philippines kung saan isa o dalawa lamang na palengke ang pinapayagan sa isang lugar, maliban na lamang kung papayagan ng City Government ang private market na mag operate sa lungsod.
“Nakalagay naman [sa] Market Code of the Philippines na pinapairal, na nagiging pattern natin sa Market Code of Puerto Princesa, na ina-allow lang magkaroon ng 1 o 2 na market sa isang lugar, maliban na lamang kung mayroon mabibigyan ng prangkisa ang ating City Council na mag-operate at aprubado ng Alkalde ang isang pribadong market, provided that it follows the rules and regulations,” karagdagang pahayag ni Rodriguez.