[BREAKING] Isang Returning OFW sa lungsod, kumpirmadong may COVID-19

Photo taken May 31, 2020, arrival of ROF from Manila. Photo courtesy of PIO Palawan

Positibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ang isang Returning Overseas Filipino Worker na umuwi dito sa lungsod nitong Sabado, May 31, lulan ng eroplano ng Air Asia kasama ang iba pang ROFs mula sa Maynila.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Dean Palanca, ang incident commander ng lungsod sa isinagawang online advisory ng city government sa pamamagitan ng Facebook page ng City Information Department.

Ayon kay Palanca, ang pasyente ay ang babaeng ROF na una nang nagpositibo sa Rapid Diagnostic Test.

“May isa na naman po tayong kumpirmadong kaso po ng COVID. Ito ay isang female na isang Returning Overseas Filipino. Kamaikailan kung matatandaan natin, na siya ay nagkaroon ng reactive… nag-reactive s’ya kamakailan sa IgM testing po ng ating Rapid Diagnostic Testing nung May 31. Lumalabas sa resulta po nung s’ya ay mag-swab kahapon, June 2, nag-undergo po s’ya ng swab test at ngayong gabi po ay kinumpirma po ng Regional Office po ng Department of Health na s’ya po ay kumpirmadong  mayroong COVID infection,” kumpirmasyon ni Dr. Palanca sa isinagawang online advisory.

Sa ngayon ay patuloy anyang naka-isolate ang nasabing ROF habang nagpapatuloy din ang kanilang contact tracing sa mga nakasalamuha nito sa eroplano hanggang sa kanyang pagdating sa lungsod.

“Right now, s’ya po ay kasalukuyang naka-isolate po sa ating quarantine facility at kasabay narin po doon na in-isolate at aming ino-obserbahan ang taong nagkaroon po ng direct contact po dito sa ating [inaudible] ng kumpirmang COVID cases,” ani Palanca.

“Ini-imbestigahan parin natin at palalawakin din natin ang ating contact tracing po kung sakali pong mayroon pang mga tao po na kailangan po nating ma-imbestigahan at kung s’ya po ay napasama po sa ating mga direct contact po dito sa ating another confirmed case po ng COVID infection,” dagdag ng health official.

Kaugnay nito, tiniyak din ng opisyal na ang mga nakasama nito sa eroplano ay patuloy nan aka-isolate sa ngayon at isasailalim din sa swab test upang matukoy kung sila ay positibo o negatibo sa nakamamatay na virus.

“Sila ay naka-isolate right now at sila ay naka-schedule din pong ma-swab test po sa mga susunod na araw. Kasama pa po ng mga iba pong mga masasabi natin na nagkaroon ng contact po dito po sa ating another na confirmed case po ng COVID infection,” dagdag ni Palanca.

Samantala, patuloy ang paalaala ng health official sa lahat na maging maiingat sa lahat ng oras para maiwasan ang sakit na COVID-19.

“Palagi po nating sinasabi na itong laban natin sa COVID infection kahit nandito na po tayo sa sabi nating nasa modified GCQ po natin… kahit po na marami na tayong freedom po sa kung saang lugar po ng Puerto Princesa, lagi po tayong mag-iingat. Parati nating sinasabi na magkaroon tayo ng social distancing, at lagi pong magsuot po o gumamit po ng face mask para po proteksyon din po sa inyong sarili at proteksyon din po ng ating mga pamilya once po tayo na uuwi po tayo ng ating mga tahanan,” apela ni Palanca sa publiko.

Exit mobile version