[BREAKING] Puerto Princesa, may dalawang dagdag na COVID-19 pasyente

Dalawang panibagong kaso ng COVID-19 ang nadagdag sa talaan ng mga positibo sa sakit na COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa.

Sa online advisory ng City Information Department, sinabi ni Dr. Dean Palanca, ang Incident Commander ng lungsod na dalawampu ang isinailalim sa swab test at natanggap na nila ang inisyal na resulta mula sa Ospital ng Palawan.

“Out of 20 po, meron na pong nakita pong another two cases po ng COVID confirmed case po dito sa atin sa Puerto Princesa. Si number one po is isang female, siya po ay 25 years old at siya po ay isa sa mga Locally Stranded Individual na dumating po sa Air Asia noong June 28. Habang nandun po s’ya sa isang facility ay nagkaroon po s’ya ng sintomas na konting ubo kaya po s’ya ay dinala natin sa isolation facility,” ani Dr. Palanca.

“Ang pangalawa po nating confirmed case ng COVID today ay isang babae rin, 55 years old at siya po ay isang close contact po ng isang naging COVID case po natin nung nakaraang linggo,” dagdag ng health official.

Samantala, sinabi pa ni Palanca na tapos narin ang pagkuha ng specimen sa 16 na indibidwal na natukoy na naging close contact ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod.

“Ito ay ipapadala ngayong hapon [June 29] sa Ospital ng Palawan and hopefully, 1 to 2 days ay lalabas na po ang result nito,” sabi ng health official sa online advisory.

Exit mobile version