Wala ng buhay ang isang British-Israeli national nang matagpuan ito sa loob ng kwartong kanyang tinutuluyan sa isang bed and breakfast pension house sa BM Road, kahapon, araw ng Lunes, pasado alas syete ng umaga.
Ayon sa spot report ng Puerto Princesa City Police Station 1 (PS1), mga 7:45 ng umaga ng ipinaalam sa kanila ni Rachel Lardino, anak ng may-ari ng pension house, na may natagpuang bangkay sa nasabing pension house at agad nila itong pinuntahan para magsagawa ng imbestigasyon.
Nakilala ang namatay na si Ben Guy, 28 na taong gulang, na temporaryong tumitira sa nasabing pension house.
Lumalabas sa kanilang inisyal na report na inutusan umano ni Lardino si Marilyn Serenso, ang receptionist ng kanilang pension house, upang gisingin si Guy subalit nakita na lamang nito sa bintana na hindi na ito sumasagot at hindi na ring gumagalaw habang nakahiga ito sa kaniyang kama.
Dali dali namang ipinagbigay-alam ito ni Serenso sa kanyang mga kasama upang matawagan ang mga otoridad.
Rumesponde naman ang Kilos Agad Action Center (KAAC) at kinumpirma nito na ang nasabing banyaga ay patay na.
Ayon kay Police Inspector Rey Aron Elona, spokesperson ng PS1, “Wala namang nakikitang foul play ang SOCO natin, pero hindi pa rin natin inaalis ang mga ganoong posibilidad. Intact naman ang mga gamit ni Guy. Isa rin sa mga nakikita natin na natural death ang naging kamatayan nito dahil makikita naman sa katawan ng biktima.”
Wala rin namang nawawalang gamit ng biktima at naniniwala ang pulisya na natural death ang sanhi ng kamatayan ng biktima.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga kaanak ng biktima.