City Gov’t, dismayado sa maling pahayag ng PNP; City council, inihantulad ito sa fake news

Isang resolusyon ang pinagtibay ng City Council kahapon, August 28, 2018, na nagpapahayag ng pagkadismaya sa “iresponsable at maling pahayag” na inilabas ng pambansang pulisya nitong nakaraang linggo ng tukuyin na kabilang ang lungsod ng Puerto Princesa sa kanilang listahan ng shabu hot bed at kabilang sa nangungunang lungsod sa dami ng mga nangyayaring krimen na kalaunan ay binawi rin ng PNP.

Ayon sa konseho, ang ganitong pahayag ay hindi dapat na palampasin dahil posibleng sa isang iglap ay maapektuhan ang pinangangalagaang turismo ng lungsod Puerto Princesa.

Sabi ni Konsehal Modesto Rodriguez II, maraming mamamayan ang nakabasa ng impormasyong ito na posibleng nagkaroon na ng negatibong impresyon sa lungsod kaya nama’y umaapela ito sa mga kinauukulan na maging responsable at magkaroon muna ng nararapat na validation bago magpalabas ng mga sensitbong pahayag na katulad nito.

“Sa kabila ng ating pagpupunyagi na i-promote ang ating lungsod hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo ay mayroong isang ahensiya ng pamahalaan ang magpapahayag ng isang iresponsableng pahayag na kung saan sasabihin nila ang Puerto Princesa ay kasama sa unang lima na mataas na crime rate at kinabukasan ay babawiin rin nila,” saad ni Kgwd. Rodriguez Inihahalintulad nila ang sitwasyon na ito sa umano ay fake news na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na nagiging sanhi ng pangingitim ng dingding ng Puerto Princesa Underground River ay dahil sa carbon dioxide na nagmumula sa hininga ng mga taong bumibisita dito.

“Ito ay pangalwang pagakakataon na kung saan nagkaroon ng fake news, una ‘yung tungkol sa PPUR, pangalawa ay sa crime rate, napakalaki ng epekto nito kung ating pababayaan lamang. Hindi ito isang ordinaryong bagay na hindi pwedeng magkamali,” pahayag naman ni Konsehal Henry Gadiano.

Nitong nakaraang biyernes nang humingi ng paumanhin si acting PNP Information Officer (PIO) Chief P/Sr. Supt. Benigno Durana Jr., sa maling impormasyong naibigay ng PNP sa publiko. Ito’y makaraang magpatawag ng pulong balitaan si PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde noong araw ng miyerkules at tukuyin niya na kabilang sa top 5 shabu hot bed ang Puerto Princesa City.

Exit mobile version