Bago pa man dumating ang Undas, kinumpirma ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na nagtalaga na sila ng mga tauhan na magbabantay sa mga pangunahing sementeryo sa lungsod.
Ayon sa chief ng City Community Affairs and Development Unit (CCADU) at tagapagsalita ng PPCPO na si PMaj. Mhardie Azares, ika-26 ng Oktubre pa lamang ay nagsimula na silang maglagay ng pwersa sa mga na-identify na libingan at mananatili ang mga nakatalagang tauhan dito hanggang sa ika-8 ng Nobyembre, 2020.
Ayon kay Azares, layon nitong matiyak na nasusunod ng mga dadalaw sa sementaryo ang mga health protocol gaya ng pagsusuot ng facemask, faceshield, at pag-oobserba ng social distancing.
“May detailed plan na kami sa mga sementeryo. Sa mga pangunahing sementeryo rito sa bayan at sa mga northern at southern barangays, may mga detailed na tayong mga pulis,” ani. Azares sa interview ng Palawan Daily.
Aniya, kahalintulad din sa function ng Police Assistance Desk (PAD) ang serbisyong ibibigay ng mga nakatalaga sa control points sa ngayon na panahon ng pandemya, at naka-istasyon na ang mga nakatalagang tauhan na ito mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
“Ang direktiba sa PNP [ay] mag-establish ng mga control points sa mga sementeryo para ma-check at ma-ensure na ang mga kababayan natin na bumibisita ay sumusunod sa guidelines ng IATF,” ani Azares.
Ang mga sementeryo na nalagyan ng police presence ay ang Old at New Public Cemeteries, Loyola Memorial Park and Garden, Puerto Princesa Memorial Park sa Brgy. San Jose Memorial, Tagburos Cemetery, at Sicsican at Sabang area. Ang ibang sementeryo sa norte at sur ng lungsod ay iikutan lamang ng mobile patrol sapagkat hindi na kayang lagyan ng tauhan ang lahat ng sementeryo.
Ayon pa sa CCADU chief, bagamat mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre lamang ipinagbabawal ang pagpasok sa mga sementeryo sa lungsod, magtatagal hanggang ika-8 ng Nosa sementeryp simula ika-5 ng Nobyembre.
Muli rin niyang mariing ipinaalaala sa mga mamamayan na walang nagbago sa mga ipinagbabawal kapag papasok sa mga sementeryo.
“Lagi nating ini-implement kapag All Saints’ Day at All Souls Day [na] ‘yong deadly weapons, mga alak, [at] gambling materials [ay] bawal po; kasama po ang mga maiingay na kagamitan [sa ipinagbabawal gamitin],” aniya.
Gayunpaman, dahil sarado ang mga sementeryo sa mismong panahon ng Undas ay posibleng kakaunti na lamang umano ang mga bibisita rito, hindi gaya dati na dagsaan ang pagpunta ng mga tao. Bunsod nito ay inaasahan ng pulisya na“zero incidence” uli ang krimen sa lungsod sa panahong iyon.
“Ine-encourage natin ang ating mga kababayan na makipagtulungan. Alam na nila ‘yong date na bawal na pumunta—Oct. 29 to Nov. 4. Makiisa na sila na ‘wag nang pumunta. After na ng [Nov.] 4 sila pumunta. [At] kung allowed na tayong pumunta roon starting Nov. 5 onwards, ang laging tandaan [na] ‘yong mga protocol [ay] i-observe natin—wearing of face mask, face shield, social distancing,” mensahe pa niya.
Discussion about this post