City-wide ‘No movement Days,’ hiniling sa IATF-PPC

Hinihiling ngayon ng mga miyembro ng Puerto Princesa City Council sa Local Inter-agency Task Force Against COVID-19 (LIATF) na pag-aralan ang posibilidad na ipatupad ang “City-wide No Movement Day/s.”

Sa approved Resolution No. 1169-2021 na iniakda ni City Councilor Jimmy Carbonell, nakasaad na layon nitong tuluyan pang mapababa ang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.

Para sa may akda, maiging mabawasan ang “movement” ng mga tao sa buong lungsod upang hindi na kumalat pa ang virus. Sa kanya umanong obserbasyon, maraming mga mamamayan na lumalabas sa kanilang tahanan at tumutungo sa mga beach resorts at iba pang pasyalan tuwing Sabado at Linggo.

“Ako po ay naniniwala na ito ay makatutulong din upang makabawas doon sa pagkakahawa-hawa ng mga tao [mula sa COVID-19] sa labas ng kani-kanilang mga bahay,” ayon pa kay Kgd. Carbonell.

Matatandaang una na ring ipinaliwanag ng mga kinauukulan na mahalaga ang manatili sa bahay kung hindi naman kailangang lumabas upang maiwasang mahawaan ng COVID-19.

Nagpahayag naman si Konsehal Nesario Awat ng komento na dapat ito ay gawin sa loob ng dalawang araw habang si Minority Floor Leader Jimbo Maristela ay tiningnan ang “unconstitutionality” ng nasabing hakbang.

Iginiit ni Maristela na salungat sa Saligang Batas kung pagbabawalang lumabas ang isang mamamayan sa kanyang tahanan. Aniya, nasa General Community Quarantine na rin ang siyudad kaya ipatupad na lamang ang kaakibat na mga alituntunin mula at balansehin ang lahat ng bagay.

Ayon naman kay Kgd. Elgin Damasco, walang masama kung susubukan din ng lungsod ang “No Movement” Policy dahil ginawa na rin ito sa Lanao del Sur at Cotabato City na  nakatulong umano upang mapababa ang COVID-19 cases sa nasabing mga lugar.

Hiniling din ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na kung mapagkakasunduan ng Local IATF na ipatupad ito ay gawin ito tuwing araw ng Sabado at Linggo.

Kaugnay dito, nananawagan din sa mga mamamayan ng lungsod sina Konsehal Maristela, Majority Floor Leader Victor Oliveros, at Kgd. Awat at iba pang Konsehal na mahigpit na sundin ang health at safety protocols dahil sa hindi na biro ang pagtaas ng kaso ng mga nagkakasakit sa COVID-19. Ito ay sa pamamagitan ng approved Resolution No. 1170-2021.

Hiniling din ni Awat sa IATF-PPC na makipag-ugnayan sa IATF ng Lalawigan ng Palawan tungo sa pagbuo ng “Island-wide Synchronized Strategy” upang mapigilan ang paglobo ng COVID-19 sa pamamagitan ng Resolution No.1171-2021 na aprubado na rin kaninang tanghali.

Exit mobile version