Tumangging magbigay ng pahayag ang Commission on Elections o Comelec Puerto Princesa hinggil sa binanggit ni Mayor Lucilo Bayron sa ikatlong State of the City Address o SOCA na maari pa siyang tumakbong mayor ng Syudad ng Puerto Princesa hanggang sa taong 2028.
Ayon kay Atty Ferdinand Bermejo, City Comelec Officer, hindi siya maaaring mgabigay ng komento dahil ito tanging mga nasa law department nila ang otorisadong magbigay ng pahayag.
Maliban kay Bermejo, ayaw muna ring magbigay ng pahayag ni City Councilor Peter Maristela na siyang Chairman ng Minority sa City Council.
“Hindi ko pa nababasa ang buong desisyon ng Korte Suprema kaya hindi pa ako makapagbigay ng comment diyan,” ani Maristela.
Matatandaang sinabi ni Bayron na na mula noong 2016 hanggang 2019 ay nagkaroon ng involuntarily interruption ang kaniyang panunukulan kaya itong 2019 hanggang 2022 ay hindi niya pa last term, kundi, first term pa lang at pwede pa siyang mag-Mayor hanggang taong 2028.
Base raw ito sa isang Supreme Court ruling na lumabas ngayong Setyembre lang partikular na ang Tallado vs. COMELEC.
Ang binabanggit ni Bayron ay ang desisyon ng Korte Suprema na pumapabor kay Edgardo Tallado laban sa naunang desisyon ng Commision on Election o Comelec na siya ay diskwalipikado sa pagtakbo sa bilang Gobernador ng Camarines Norte sa 2019 midterm national and local elections.
Naunang diniskwalipika ng Comelec si Tallado dahil kung mapapayagan ang certificate of candidacy niya , ito na ang kaniyang pang apat na termino bilang Gobernador na labag umano sa batas dahil hanggang three consecutive terms lang ang dapat.
Magkagyunman, iginiit ni Tallado na siya ay nasuspende noong 2015 at nakabalik lamang sa puwesto noong 2018.
Dahil dito ay kinuwestyun ni Tallado ang desisyon ng Comelec sa Kataas-taasang Hukuman at iginiit na maari pa siyang kumandidato sa 2019 election kung saan siya ay nanalo laban sa katunggali niya na si Cathy Barcelona-Reyes. Dito ay nagwagi siya sa botong 8-6 kung saan ang ponente ng desisyon ay mismong si Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin.