Ipinaalaala ng chairman ng Komite ng Transportasyon na wala pa dapat kaakibat na multa ang sinumang mahuhuling lalabag sa dry run ng Tricycle Ban sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ang laman ng pribelehiyong talumpati ni Kgd. Jimbo Maristela kahapon, Nobyembre 23, sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod, kasabay ng unang araw ng dry run ng pagbabawal sa mga tricycle, pedicab at motorized pedicab sa mga national road at national highway sa siyudad.
Ayon sa Konsehal, malinaw na nakasaad sa Section 7 ng inaprubahan nilang Ordinance No. 1043 na bago pormal na ipatupad ang Tricycle Ban ay isasagawa muna ang 30-day dry run, at sa mga araw na iyon ay wala pang multang ipapataw sa mga violator ang mga tauhan ng City Traffic Management Office (CTMO). Matapos naman 30 na araw ay magsusumite ng ulat ang CTMO sa City Council ukol sa resulta ng dry run upang kung may pagkukulang ay maisasaayos ito ng Konseho.
Alinsunod sa nasabing ordinansa na pansamantalang nagtatalaga ng ilang porsyon ng national road upang madaanan ng mga tricycle, pedicab at motorized pedicab, maaaring dumaan ang nasabing mga sasakyan sa Malvar St., portion ng Rizal Avenue simula pier hanggang Roxas St. at portion ng Rizal Avenue simula Lagan Road, Canigaran at mula Abanico Road, San Pedro hanggang sa Crocodile Farm sa Brgy. Irawan, at vice versa. Ito ang nakayarian ng mayorya ng City Council batay sa sitwasyon ng mga lugar, kung may available bang alternate route o wala.
Ipinahayag naman ni Maristela na mariin nilang tinututulan ng kapwa miyembro ng minority block na si Konsehal Patrick Alex Hagedorn ang pagpapatupad ng Tricycle Ban dahil sa malaking negatibong epekto nito sa kabuhayan ng libu-libong mamamayan na nakasalalay sa pamamasada ng tricycle.
Sa ngayon, ang multa para sa paglabag sa naturang ordinansa na kinatha batay sa Memorandum Circular ng DILG at Guidelines ng Department of Transportation (DITr), ay P500 sa unang paglabag, P1000 sa ikalawa, P3,000 sa ikatlong pagkakataon, at P5,000 sa ikaapat na paglabag na may kaakibat nang pagkukumpiska ng prangkisa.
Hunyo ngayong taon ay lubos umanong ikinatuwa ni Kgd. Maristela ang mga tinuran ni Mayor Lucilo Bayron na hindi muna niya ipatutupad ang kautusan ng DILG dahil panahon ngayon ng pandemya. Ngunit ang nakalulungkot lamang umano ay base sa Memorandum Circular No. 2020-145 na may petsang Oktubre 27, 2020, iniatas uli ng DILG ang pagpapatuloy ng clearing operation sa mga daan, at kasama na rito ang pagbabawal sa mga tricycle sa mga national road at national highway.
Kaugnay sa usapin, ikinalugod naman ni Maristela sa breakfast meeting na kanyang dinaluhan kahapon na ipinarating sa kanila ng Alkalde na may liham siya para sa DILG upang hilingin na huwag munang ipatupad ang Tricycle Ban.
Batay din sa mungkahi ni Maristela ay ipaaabot din nila sa DILG ang paghiling na ipagpaliban muna ang implementasyon ng nasabing kautusan sapagkat panahon pa ngayon ng pandemya, habang ang dating chairman ng Committee on Transportation na si Kgd. Elgin Damasco ay hiniling na sa DOTr at sa Punong Lungsod na pansamantalang huwag din munang ipatupad ang pagbabawal sa pagdaan ng mga tricycle sa mga national highway na kapwa naman inaprubahan ng Konseho kahapon.