PUERTO PRINCESA CITY – Nananatiling positibo ang pananaw ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron sa planong waste-to-energy na nagkakahalaga ng PhP2.1B na proyekto ng Austworx Corporation kung saan susunogin ang basura ng lungsod at gagawing kuryente.
Ito ay sa kabila ng naging panawagan ng mga environmental group kamakailan na pag-isipang mabuti ang panganib na maidudulot ng proyekto sa kapaligiran at kalusugan ng mga mamamayan ng lungsod.
Sa isang panayam, sinabi ni Bayron na mapipigilan lamang ito ng mga grupong tumututol sa proyekto kung ipag-uutos na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), maging ng korte.
Ani ng opisyal, bago payagan ang WTE, pinag-aralan muna ito ng husto ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Bukod dito, naniniwala rin ang alkalde na maliban sa malaking kikitain ng siyudad sa kabila nang walang inilabas na pondo ang pamahalaan, sagot din ito sa lumalalang problema sa basura dahil sa lumalagong populasyon.
“Zero investment ito kasi sa proponent lahat ang gastos, hindi lang ang siyudad ang makikinabang dito kundi pati mga mamamayan,” ani Mayor Bayron.
“Isa pa sa advantages nito, napupuno na ang ating sanitary landfill, hindi na natin kinakailangan pang maghanap ng panibagong sanitary landfill, dahil ipo-proseso na ng kompanya ang ating mga basura, may kuryente pa tayo,” pahayag pa ng opisyal.
Sa isang press release, tinuran ni Atty. Gerthie Mayo-Anda, executive director ng Environmental Legal Assistance Center (ELAC) kasama ang Eco Waste Coalition, na dapat pag-aralan, pag-isipang mabuti ng city government ang kanilang plano at bumuo ng maayos na mga istratehiya upang mapigilan o mabawasan ang dami ng basura na nangangailangan ng permanenteng tambakan.
“WtE incineration emits a wide range of toxic and hazardous air pollutants. These include heavy metals and nanoparticles as well as persistent organic pollutants such as dioxins and furans. These extremely toxic substances are subject to the Stockholm Convention on POPs, a U.N. treaty for the worst of the world’s hazardous chemicals, ” pahayag sa press conference ni IPEN Senior Advisor Mariann Lloyd-Smith mula sa Australia.
Ayon sa DENR, nabigyan na rin ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang nasabing proyekto, bagay na pag-aaralan ng ELAC upang mabawi ito. (AJA/PDN)