Curfew sa Puerto Princesa, ginawa ng 10:00PM-5:00AM

Ibinaba na sa 10:00 PM hanggang 5:00 AM ang oras ng curfew sa lungsod ng Puerto Princesa mula ngayong araw, July 15, sa bisa ng inilabas na Executive Order No. 2020-37 na nilagdaan ni Mayor Lucilo Bayron.

 

 

Ito ay mula sa dating curfew hours na 8:00 PM hanggang 5:00 PM matapos makapagtala ang lungsod ng sunud-sunod na kaso ng nagpo-positibo sa COVID-19.

Nakasaad sa nasabing kautusan na ang pagbabago ng curfew hours sa lungsod ay siyang resulta ng pagpupulong ng City Inter-Agency Task Force kahapon, July 14.

Ayon kay City Administrator Atty. Arnel Pedrosa, ang lahat naman ng mga business establishment sa lungsod ay inaatasang i-adjust ang kanilang working operations base sa bagong oras ng curfew upang mabigyan ng sapat na oras ang kanilang mga empleyado na makauwi sa kani-kanilang mga bahay nang hindi lalagpas sa alas diyes ng gabi.

“Simula ngayong araw ay naurong na ‘yan at ‘yung sa curfew pass naman ay para doon sa mga tao na ang trabaho nila ay nag-eextend pa ng lagpas sa 10:00 PM. Ilan dyan ‘yung mga abogado, accountant… basta hindi APOR ay kailangang kumuha ng curfew pass sa amin [City Administrators Office]. Kasama din ‘yung mga business establishments na may kailangang tapusin dahil for example magpa-file ng business tax kinabukasan, binibigyan natin ‘yan ng exemption,” ani Atty. Pedrosa.

Mahigpit din anya ang gagawing implementasyon ng bagong curfew hours kung saan ang PNP ang inatasang manguna dito katuwang ang mga barangay officials, City Peace and Order, Anti-Crime Task Force at iba pa at sinumang mahuhuling lalabag ay tiyak na may haharaping kaparusahan.

Samantala, ngayong araw din ang pagtatapos ng lockdown sa ilang bahagi ng Barangay Sta. Monica na una nang isinailalim sa enhanced community quarantine matapos magkaroon ng local transmission ng COVID-19 sa nasabing barangay.

“Lifted narin ang lockdown sa Sta. Monica at MGCQ narin sila tulad sa buong Puerto Princesa. Wala na ‘yung mga levels na ‘yun, wala nang kaibahan at pareho na lahat sa Puerto,” dagdag pa nito.

Exit mobile version