Damasco to Petroleum Owners: “Magkaroon naman sila ng konsensiya”

Tinalakay sa City Council ang sunod-sunod na pagtaas ng mga petrolyo sa Puerto Princesa. Ayon kay Konsehal Elgin Damasco, sa ginanap na regular session kanina ika-21 ng Pebrero, sa loob lamang ng Pebrero ay walong beses nang tumaas ang petrolyo sa lahat ng gasoline station sa Puerto Princesa. Kada litro ng krudo ay tumataas ng 41 hangang 61 sentimo samantalang ang gasoline naman ay pumapatak ng 40 hanggang 50 sentimo at bukas ay inaasahang muli na namang tataas ang mga petrolyo.

Sa panayam ni Damasco kay Director Reno Abad ng Department of Energy, sinabi nito na may problema talaga sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado ngunit sa kanilang ginawang monitoring ay masyadong mataas at pinakamahal ang presyo sa Palawan sa mga produktong petrolyo kung ikukumpara sa ibang lugar sa bansa.

Nais ng konsehal na magsagawa ng pagdinig ngunit sa kanilang naging karanasan kamakailan, wala din nangyari na tila ba nakatali ang kamay ng  Sangguniang Panglungsod, Mayor at mga kapitan dahil sa umiiral na National Law.

“Nakikiusap po tayo sa mga may-ari ng gasolinahan o mga oil players… na kung maari magkaroon naman sila ng konsensya. Sana bawasan naman nila ang presyo,” ayon kay Damasco.

Sagad na sagad na umano ang mga mamamayan lalo pa’t marami na ang nawalan ng trabaho dulot ng pandemiya gayundin ang mga naging biktima ng bagyong Odette.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Exit mobile version