Pormal nang umupo bilang bagong commander ng 3rd Marine Brigade (3MBde) ang former chief of staff ng Philippine Marine Corps (PMC).
Sa ibinahaging impormasyon ng tagapagsalita ng 3MBde na di Cpt. Orchie Bobis, nakasaad na umupo na bilang bagong pinuno ng Brigade si Col. Jimmy Larida bilang kapalit ni BGen. Nestor C. Herico sa isinagawang Change of Command Ceremony kamakalawa sa Marine Base Rodolfo Punsalang sa Bgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City.
Sa pananalita ni Col. Larida, tinuran niyang magiging sentro ng kanyang pamumuno sa pagkakaroon ng mga personnel ng 3MBde ng dagdag na mga abilidad at kagalingan at mga kakayanan tungo sa pagkamit ng layunin ng 3MBde.
Tiniyak din ni Larida na mananatiling magbibigay ng suporta sa local government units (LGUs) ang kanilang hanay tungo sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng buong Lalawigan ng Palawan.
“We shall continue to fulfill our commitment to become catalysts of community development. To the officers and men of the 3rd Marine Brigade, I have nothing to offer but dedicated service,” dagdag pa ni Larida.
Matapos namang maupo bilang Commander ng 3MBde si BGen. Herico noong Pebrero 05, 2020 at mapalitan noong January 18, 2021, sa ngayon siya ay nagsisilbi na bilang Naval Inspector General (TNIG) ng Philippine Navy.
“As I reminisce the recent past since my assumption as Commander of the 3rd Marine Brigade, I can clearly recall a number of individuals and groups that contributed to the many accomplishments of the 3rd Marine Brigade. These community partners from different sectors of Palawan volunteered their time, efforts, and even their resources just to support the marines — for us to fully serve the people of Palawan and the nation as a whole,” ani BGen. Herico.
Sa kabilang dako, pinuri si Herico ni Philippine Marine Corps (PMC) 33rd Commandant, Major Gen. Ariel Caculitan na siyang nagsilbing presiding officer sa naganap na Change of Command. Ito ay dahil umano sa ilalim ng liderato ni Herico ay matagumpay na naipatupad ang environmental protection sa probinsiya, nagkaroon ng naayos na pagsuporta sa pag-unlad, at matagumpay na focused military operations na kabilang dito ay ang pag-neutralize sa limang armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagresulta sa pagkakapaslang sa tatlong most wanted nilang mga lider sa Palawan.
Nakatanggap din si Herico ng Distinguished Service Medal para sa kanyang “honorable performance” dahil sa pagtupad niya ng kanyang mga tungkulin bilang commander ng 3rd Marine Brigade na nagbunga upang kilalanin ito bilang “Best Brigade” ng PMC noong nakaraang taon.
Maliban pa rito, nagbigay din ng plake ng pagkilala ang Western Command (WESCOM) para sa kanyang pamumuno bilang Commander ng Joint Task Force Peacock (JTFP).