DPWH, inaming nagkamali ang kontraktor sa paglalagay ng sandamakmak na road signs sa Roxas St.

Inamin kahapon sa Sangguniang Panlungsod ng kinatawan ng DPWH-3rd District Engineering Office na may pagkakamali sa paglalagay ng mga road sign simula sa kanto ng Rizal Avenue pababa ng Roxas St.

Paliwanag ni Engr. Marlon Ramiso, nasiksik ng Goldrock and Development Corp., ang contractor ng proyekto, ang 30 road signs sa nabanggit na lugar na para sana umano mula sa kanto ng Rizal Avenue patungong Malvar St.

Sa katunayan, 93 ang kabuuang bilang ng road signs na ilalagay sa mga nabanggit na lugar ngunit nasa 63 ang unang dumating na materyales.

Aniya, ang nasabing natitirang 30 na dapat na ilalagay mula sa kanto ng Rizal avenue patungong Malvar ay na delay ng pagdating at nang dumating ay inilagay ito sa kanto ng Rizal avenue hanggang Roxas st. ng lead man ng Goldrock, sa patnubay ng project engineer.

Ayon pa kay Engr. Ramiso, hindi ito agad na-monitor ng DPWH dahil nang dumating ang materyales ay inilagay ito ng kontraktor nang wala umanong paabiso sa kanila.

Matatandaang naungkat ang usapin nang maging paksa ito ng privilege speech ni Konsehal Herbert Dilig matapos na mapuna na tinadtad ng road signs ang Roxas.

Matapos mapuna, tinukoy na ng kontraktor ang mga lugar na paglalagyan, simula Rizal avenue hanggang Malvar upang mailipat ang mga nadobleng inilagay na road signs, ayon pa Ramiso.

Ang kabuuang 93 road signs ay kabilang sa P26,694,243.31 na halaga ng mga proyekto para sa siyudad na kinabibilangan ng pagpapagawa ng mga sidewalk at drainage, road widening at road pavements.

Exit mobile version