Hati ang saloobin ng karamihan sa mga kapatid nating Lesbian, Gays, Bisexual, Trans and Queer (LGBTQ) sa Puerto Princesa bunsod ng pagkaka-aresto sa dalawang kasamahan na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot kamakailan.
Umingay ang usapin lalo pa’t inihayag ni Balangaw LGBTQ+ Association of Puerto Princesa President Rica Ponce De Leon Belleza na hindi lang ito ang pagkakataon na nagkaroon ng operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency.
“Hindi naman alintana sa lahat na marami ang gumagamit, lalo na sa industry ng events at tsaka sa mga LGBT na naiinip na nagiging hobby nila ang pag-droga, meron pang mga susunod na operasyon ang PDEA, kelan at saan ay hindi ko alam, pero ang alam ko meron pa yang next move, kaya pinapa-alalahanan ko lang lahat ng mga kapatid natin na tumigil na,” Ani Belleza
Ayon kay Belleza patuloy ang pagpupulong ng samahan para talakayin at hanapan ng solusyon ang isyung ito, isa sa naging panukala ay ang pagsasagawa ng drug testing sa mga sinasabing sangkot o pinaghihinalaang gumagamit.
“Mayro’n ng sumagot ng 50 drug test kit, as of the moment kailangan namin ng PDEA o kaya ay representative sa isang drug institution para i-conduct yan, ayaw din namin na pag nag positibo agad-agad ay meron na kaming program na maibibigay kami, hindi lang sa paghuli kundi sa mga susunod na mangyayari na makakabuti rin sa kanya,” dagdag pa ni Belleza
Wala pa ring kakayahan ang samahan na ipadala sa mga rehabilitation center ang mga nasangkot o mga nais magbagong buhay na gumamit ng ipinagbabawal na gamot, iginiit ni Belleza na walang pondo ang samahan para sa mga ganitong programa, tanging pag-gabay at kalinga ang maari nilang ipagkaloob sa ngayon.
Sinabi rin nyang bukas ang sinumang Balangaw officers na kausapin ang sinumang naghahanap ng makakausap o kalinga, maari silang i-message anumang oras o araw sa kanilang Facebook o kahit tawagan sila ay handa silang makinig.
“Anytime naman pwede sila mag ano sa amin lalo na sa akin, anytime naman open ang aking cellphone at messenger sa gusto nila ng kausap, anything na may gusto silang sabihin regarding sa drug addiction, tsaka open din ang mga advisers and officers para makatulong,”
Sa huli ay pinabulaanan ni Belleza na hindi malala ang adiksyon sa kanilang hanay sa LGBTQ Community, nagkataon lamang aniya na may mga kasama silang nasangkot.
“Hindi lang ito sa community, kumbaga 1% lang tong LGBT, marami pang sangay na involve sa drugs, as much as possible kung dito sa Palawan, kung magawan ng paraan na mabawasan mas maganda, ang gusto ko lang mabawasan at ma-aware ang mga LGBT na hindi tayo natutulog sa isyu ng droga,” pagtatapos ni Belleza.